NAPAKALINAW ng nakasaad sa Universal Health Care (UHC) Law kung saan hindi puwedeng galawin ang sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ang ipinagtatakang sinabi ng ekonomistang si Dr. Michael Batu.
Halos nasa P90-B na excess fund ng PhilHealth ang ipinalilipat ng gobyerno sa unprogrammed funds.
Sinabi ni Batu na hindi talaga dapat magkaroon ng surplus ang PhilHealth dahil dapat mapunta ito sa mga benepisyo ng mga miyembro nito.
“Dapat diyan walang surplus. Diyan kasi ang pondo na ‘yun, saan nga ba nanggagaling ang pondo ng PhilHealth, mula di ba sa premiums ng members? Sa mga hindi makabayad ng premiums, doon nanggagaling ang subsidiya sa National Government. Dalawang source iyan eh,” ayon kay Dr. Michael Batu, Economist.
Kung magugunita, inihayag ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na mas maigi para sa PhilHealth na bayaran ang bilyun-bilyong utang nito sa mga pribadong ospital kaysa ibalik sa National Treasury ang sobrang halos P90-B na unused subsidy fund.
“May mga kilala akong doktor o ospital na hindi pa nababayaran ng PhilHealth. May ibang doktor namatay na lang hindi pa nila natatanggap ang reinbursement mula sa PhilHealth. And then to PhilHealth magre-report sila na mayroon silang surplus,” ani Batu.
Idinagdag pa ng ekonomista na ang isyu ng sobrang pondo ng PhilHealth ay nagpapakita lamang kung gaano ka-incompetent ang mga itinalaga ng Malakanyang na mga tauhan sa PhilHealth.
“They are incompetent. Bakit incompetent? dapat kasi walang surplus iyan. Kaya ang isyu sa PhilHealth, nadudurog ang puso ko. Kasi base sa statistics na nabanggit ko, 60% hindi pa nakakita kung ano ang gagawin nila sa surplus na iyan. Kukunin nila iyan at ipapasok sa unprogrammed funds. Sa ngayon mapupunta iyan, mag-e-eleksyon na next year. Saan nila dadalhin ang pondo na iyan?” dagdag pa nito.
Nanindigan ang Department of Finance (DOF) na hindi galing sa ahensiya ang utos na ilipat ang halos P90-B na excess fund ng state insurer para mailaan sa unprogrammed funds.
Inilahad ni Finance Secretary Ralph Recto na dikta ng Kongreso ang naturang fund transfer batay sa nakasaad sa 2024 General Appropriations Act (GAA).
Matatandaang naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang iba’t ibang organisasyon upang mapigilan ang paglilipat ng halos P90-B excess funds ng PhilHealth sa National Treasury.
Pahayag ng mga petitioner, labag sa batas ang pagsasauli ng naturang pondo, bagkus, dapat ilaan umano ito sa implementasyon ng Universal Health Care Act, pagpapalawig sa benefit packages, at pagpapababa sa premium contributions.
Kabilang sa mga lumapit sa Korte Suprema sina Senate Minority Leader Koko Pimentel, dating Finance Undersecretary Cielo Magno, Philippine Medical Association, at iba pang health advocates para kuwestiyunin ang legalidad ng dibersiyon ng pondo ng PhilHealth.