South Australia, tinanggal ang hard border closure sa Greater Brisbane

TINANGGAL na ng South Australia ang hard border closure na ipinatupad nito sa Greater Brisbane.

Tuluyan nang binitawan ng South Australia ang hard border nito sa Greater Brisbane at pinayagan ang karamihan ng indibidwal na umalis sa quarantine simula kahapon.

Ibig sabihin ang mga indibidwal mula sa Greater Brisbane, at ang mga magmumula sa Byron Bay ay kinakailangan na lamang sumailalim sa testing sa unang araw, ikalima, at ika-labintatlong araw matapos dumating sa South Australia.

Pero hindi naman papayagan ang mga ito na pumunta sa highrisk health sites o dumalo sa malalaking event na mayroong COVID management plans.

Ang maliit na bilang ng mga indibidwal na bumisita naman sa COVID exposure sites ay hindi papayagang makalabas ng quarantine hanggang hindi pa natatapos ang dalawang linggong pamamalagi nito.

Ang pagluluwag ng mga restriksyon na ito ay napagdesisyonan sa state transition committee kahapon.

Samantala, wala namang bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa South Australia at nananatiling labindalawa ang bilang ng aktibong kaso sa estado na lahat ay nakuha sa mga biyahero na mula sa ibang bansa.

(BASAHIN: Brisbane, nagpatupad ng 3 araw na ‘snap lockdown’)

SMNI NEWS