BUMABA ang reproduction number o ang bilang ng mga taong maaaring mahawaan ng COVID -19 sa Metro Manila noong Enero 19 kumpara noong nakaraang linggo ayon sa independent research group na OCTA.
Nasa 2.95 ang reproduction number ng National Capital Region (NCR) noong nakaraang linggo, pero nitong Enero 19 saad ng OCTA, bumulusok ito sa 1.20.
Saad ng mga eksperto dapat nasa 1 o mas mababa pa sa 1 ang reproduction number para masabing bumababa na community transmission ng COVID-19 sa isang lugar.
Sinabi din ng OCTA na bumaba sa -42% ang one-week growth rate ng NCR. Malinaw itong indikasyon ng downward trajectory sa mga bagong kaso kay OCTA Research fellow Dr. Guido David.
Noong Enero 22 nakapagtala ng 6,646 new COVID-19 cases ang Metro Manila.
Aniya kung ikukumpara ang bilang ng mga panibagong kaso sa naging projections noong Enero 20, makikitang ang mga bagong kaso ay bahagyang mas mababa sa projection.
Ang average daily attack rate (ADAR) ng NCR o ang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa isang partikular na lugar o populasyon ay bumaba rin sa 72 per day per 100,000. Pero ani David nasa very high level pa rin ito.
OCTA: COVID-19 growth rate ng ilang probinsya tumaas
Kung bumaba ang COVID-19 growth rate sa Metro Manila, sa ilang probinsya tumaas naman ito.
Ayon sa OCTA mahigit 100% ang one-week growth rate ng Mountain Province, Ilocos Norte, Davao del Sur, Apayao, Iloilo, Ifugao at Cebu.
Sinabi din ng OCTA na nakapagtala ang Cebu City, Iloilo City at Lapu Lapu City ng panibagong matataas na mga kaso ng COVID-19 noong January 22.
Dahil dito nasa severe outbreak classification ngayon ang Iloilo at Baguio City.