Phuket, nais nang maaprubahan ang budget para sa health complex

NINANAIS ng probinsya ng Phuket sa Thailand na maaprubahan na sa lalong madaling panahon ang budget para sa health complex na itatayo nito.

Naghihintay ang Island Administration ng Phuket sa Public Health Ministry na aprubahan ang rekwes nito na 343 milyong baht para sa konstruksyon ng International Medical Tourism Complex ng probinsya.

Kung maaprubahan ang rekwes na ito ni Public Health Minister Anutin Charnvirakul, kinakailangan pang iendorso ng gabinete ang budget bago tuluyang ibigay sa Phuket.

Noong Marso 25, inaprubahan ng Medical Tourism Board ang proposal nito na 343 milyong baht para sa complex.

Ayon kay Dr. Chalermphong Sukontapol, Direktor ng Vachira Phuket Hospital, kinakailangan pa ng 1.4 bilyong baht para sa aktwal na konstruksyon ng complex at pasilidad na susuporta rito.

Inaasahan naman na ang Medical Tourism Complex na ito ay maghahakot ng limampung libong turista sa taong 2023 at inaasahang dodoble naman ang bilang na ito sa susunod pang mga taon.

Ang Medical Tourism Complex na ito ay inaasahang itatayo sa 141-rai plot sa Tambon Mai Khao, Thalang District.

Ang COVID-19 pandemic ay malubhang nakakaapekto sa ekonomiya ng Phuket, na kung saan ay lubos na umaasa sa milyun-milyong turista na pumupunta kada taon. Naging resulta rin ng pagkawala ng trabaho ng libu-libong tao.

Ang lalawigan ay nagsusumikap upang mailigtas ang ekonomiya nito sa pamamagitan ng muling pagpoposisyon ng isla bilang isang world-class destination para sa turismo sa kalusugan.

Sa unang bahagi ng pagpapatupad ng proyekto, itatayo ang apat na mga sentro ng medical – isang General Health Center, International Seniors Care Facility, Cardiac Center pati na rin ang Center for Physical Rehabilitation at Anti-ageing.

Sa ikalawang bahagi, 3 pang sentro ang itatayo na nagkakahalaga ng 1.6 billion baht kasama na ang Bamrasnaradura Infectious Disease Institute headquarters, tropical diseases institute at ang Andaman Cancer Center.

(BASAHIN: Female Minister of Education sa Thailand, pinangalanan na)

SMNI NEWS