Health protocols vs COVID-19, pinahihigpitan sa PUV operators  at drivers

Health protocols vs COVID-19, pinahihigpitan sa PUV operators at drivers

PINAHIHIGPITAN ni  Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa mga drayber at ng mga public utility vehicles (PUV) operators ang pagpapatupad ng health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ito ang paalala ni Tugade matapos makatanggap ng mga ulat na hindi sapat ang mahigpit na ipinatutupad na health protocols sa ilang PUVs.

Nagpaalala rin ang transport chief sa mga pasahero na gawin ang kanilang parte sa pagkontrol sa pagkalat ng virus sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health protocols habang nasa sasakyan.

Kabilang dito ang pagsusuot ng face masks, face shields, pagsunod sa proper physical distancing at hindi pagkain o pagsasalita habang nakasakay sa sasakyan.

Muling ipinanawagan ni Tugade ang pagtatalaga ng transport marshals para ipatupad ang protocols sa loob ng PUVs.

Inatasan din ni Tugade ang LTO, LTFRB at I-ACT na paigtingin ang kanilang operasyon laban sa mga PUV operators at draybers na bigong ipatupad ang health protocols.

Samantala, ipinag-utos din ni Sec. Tugade sa Law Enforcement at Regulatory Agencies na attached sa DOTr na tugisin ang mga operator ng kolorum na sasakyan na iligal na bumabyahe ng mga tao patungo at mula Metro Manila.

Noong Abril, nasa 80 pasahero ng kolorum na sasakyan na patungong Bicol mula National Capital Region (NCR) ang nagpositibo sa COVID-19.

(BASAHIN: PUV drivers, makatatanggap ng hanggang P25-K incentive sa ilalim ng service contracting program)

SMNI NEWS