IPINANAWAGAN ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga tumatakbong kandidato ngayong halalan na ikampanya naman ang national vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Sec. Duque sa Talk to the People kagabi, napakahalaga ng public safety lalo’t hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 sa bansa kahit nasa ilalim na ng Alert level 1 ang ilang lugar.
Bahagi anya ito ng Whole-of-Nation at Whole-of-Government Approach at bilang mga influencer na rin.
PRRD, pinagsabihan ang NPA na huwag harangin ang pagbabakuna sa mga kanayunan
Kasabay nito, pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga komunistang grupo na huwag harangin ang mga health worker na nagbabakuna sa kanilang kanayunan.
Pagbibigay diin pa ng Pangulo, hindi umano problema kung nais ng mga komunistang grupo na magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Hinikayat naman ng Pangulo ang mga hindi pa nababakunahan na huwag ng mag-atubiling magpaturok ng COVID-19 vaccine sa ganon ay maiwasan ang impeksyon sa virus.
Pagbibigay diin pa ng Pangulo, sapat ang suplay ng vaccine sa bansa para sa mga hindi pa nakatatanggap ng kanilang 1st dose, 2nd dose at lalong lalo na ang booster dose.
Samantala, pupulungin ng MMDA ang Metro Manila Mayors upang pag-aralan kung posibleng bang ibalik ang ‘No ride, No Vaccine Policy’ sa booster shot dahil pa hindi pa gaanong marami ang nagpapabakuna nito.
Kayat panawagan ni Secretary Duque huwag ng hintayin pa na magkaroon muli ng surge upang magbakuna.