Health Sec. Duque, tinawag na bigo ni Senador Grace Poe

Health Sec. Duque, tinawag na bigo ni Senador Grace Poe

IGINIIT ni Senator Grace Poe na bigo si Health Secretary Francisco Duque III sa kaniyang mandato kasunod ng malinaw na malaking korupsiyon sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Poe, bigo si Duque na pamahalaan ang Department of Health at ang PhilHealth.

Inilarawan ni Poe sa isang pasyenteng may cancer ang ahensya at paulit-ulit lang ang nangyayari.


Aniya hindi maaring mag mamaang-maangan ang kalihim sa mga korupsiyon sa ahensya gayong sa napakahabang panahon ay ito ang nakaupong pinuno ng PhilHealth.

Sinabi naman ni Duque sa pagdinig na naging presidente siya ng ahensya mula 2001 hanggang 2005, naging chairman naman mula 2005 hanggang 2010 at muling naibalik bilang chairman noong 2017.

Pero matatandaan sa naganap na ikatlong pagdinig ng Senado laban sa mga naiulat na isyu ng korupsiyon at irregularidad sa ahensya ay itinanggi ito ng kalihim.

Ayon kay Duque, hindi totoong may P154 billion na nawala sa ahensya dahil umano sa fraud.

Sa mga unang separate hearing na ginawa ng Senado, Kamara at maging ng Presidential Anti Corruption Commission ay sinabing nasa mahigit P150B na ang nawala sa ahensiya dahil sa fraud mula noong taong 2013 hanggang 2018.

Itinanggi din ni Duque na may Palakasan System sa pagbibigay ng Interim Reimbursement Mechanism sa mga ospital.

Nabunyag din sa mga pagdinig ng Kongreso na may pinapaborang ospital ang PhilHealth pagdating sa pagbibigay ng IRM na kahit hindi naman accredited hospital para sa COVID patient ay nabigyan ng IRM funds.

Tinanggi din ni Duque na ito ang Godfather ng mafia sa PhilHealth gaya ng inamin ng whistleblower na si Atty. Thorsson Keith na dating anti-fraud officer ng ahensiya.

Inako naman ni Duque ang buong responsibilidad sa mga kapalpakan sa ahensiya pagdating sa pagresponde sa pandemya.

Pero aniya hindi ‘deleberate’ ang mga kapalpakan sa ahensya.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.