Health workers, kabilang pa rin sa priority list para sa AstraZeneca vaccines

WALANG dapat na ikahabala ang health workers na hindi nagpabakuna sa unang roll out ng vaccine sa bansa gamit ang Chinese brand na CoronaVac dahil sila pa rin ang prayoridad na babakunahan ng AstraZeneca vaccines.

Aniya, siguradong-sigurado na sila ang makakagamit ng dosis ng British made vaccine dahil parehong protocol o order of priorities lang pa rin ang susundin.

Ayon kay Roque base sa protocol, uunahin pa rin ang mga COVID-19 referral hospital bago pa ang mga DOH hospital, iba pang pampublikong ospital at mga pribadong ospital.

Nagpaalala rin si Dr. Rabindra Abeyasinghe, country representative ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas, na maliban sa maipakita ng bansa ang matiwasay na pag roll out ng bakuna mula sa COVAX Facility, dapat masunod din ang pangalawang requirement.

Aniya, dapat maibigay una ang bakuna sa mga health care workers na nangangalaga sa mga COVID-19 patient at susundan ng mga matatanda at may co morbidity o may existing na higit pang dalawang karamdaman.

Sinabi ng WHO official na maaaring mawala ang milyon-milyong alokasyon ng bakuna sa bansa sa pamamagitan ng COVAX Facility kung papalya sa pagsunod sa prioritization requirements ang Pilipinas.

“We urge the DOH and all partners engaged in the rollout of the vaccines to follow these prioritizations, so we don’t impact and jeopardize future deliveries of vaccines through the COVAX facility to the Philippines,” ayon kay Abeyasinghe.

Matatandaan na umamin ang mga close-in security ng pangulo na nagpabakuna na ito gamit ang Sinopharm noong nakaraang taon.

Kamakailan lang din ay ibinunyag ng former special appointee ng Pangulo na si Mon Tulfo na nagpabakuna na siya kasama ang ilan pang government officials, mga sundalo at police personnel ng Sinopharm.

Inaprubahan din ng Pangulo na kasama sa mabakunahan sa unang roll out ng CoronaVac vaccine sa bansa sina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Testing Czar Vince Dizon, at MMDA Chief Benhur Abalos.

Nitong linggo lang din ay nagpabakuna sina Interior Undersecretary Jonathan Malaya, MMDA Chief of Staff Michael Salalima, at Pasay Vice Mayor Boyet del Rosario.

Ngunit giit ni Roque hindi sila nagpumilit sa kanilang sarili kundi ang mismong officials ng Philippine General Hospital ang nag-alok.

 “In fact sila ang tinanong kung gusto na nila magpabakuna na rin para mapataas ang kumpyansa ng bayan,” ayon kay Roque.

“So, upon being offered and guided by their desire to increase public confidence in the vaccine ay nagpabakuna po sila,”aniya pa.

Dagdag ni Roque, hindi pa naipagbigay-alam sa ibang panauhin na kabilang sa 50 influencers na ipinanukalang bakunahan rin upang tumaas ang kumpyansa ng publiko sa mga bakuna na hindi naaprubahan ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG).

“Kasi nga po yung desisyon naman ng NITAG na huwag munang bakunahan ang iba pang mga tao beyond Sec. Galvez, Vince Dizon and Abalos was not really disseminated properly,” paliwanag ni Roque.

“As we proceed with our program, medical frontliners ang ating prayoridad. I think that’s clear to those inside and outside of government,” dagdag ng opisyal.

SMNI NEWS