INIHAYAG ni OCTA Research Group fellow Dr. Guido David sa panayam ng SMNI News na tumataas na ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa datos ng Department of Health (DOH) as of June 20, nakapagtala ng bagong kaso ang bansa na aabot sa higit 500, 318 naman dito ang nakarekober at wala namang naitalang nasawi.
Sa Metro Manila ay tumataas ng 4% ang positivity rate.
Pero, giit ni Dr. David, sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa NCR ay mababa naman ang healthcare utilization rate nito.
Pagbibigay-diin pa nito, hindi inirerekomenda ang pagtaas ng alert level.
Sa gitna nito, sinabi pa ni David na dapat na ring mabakunahan ng 2nd booster shot ang mga economic frontliners lalo na ngayong maluwag na ang restrictions at sumisigla na ang ekonomiya ng bansa.
Pero, bago rito una na ring sinabi ng DOH na hindi pa inirerekomenda ng mga health experts na mabakunahan ng 2nd booster shot ang general population bagamat ito ay may emergency use authorization na.
Sa kabila nito, umaasa naman si David na ito ay agad na aprubahan upang ang mga COVID-19 vaccine ay hindi masayang at maiturok na sa mga Pilipino.
Kasunod nito, sinabi pa ni David na posibleng naging dahilan sa bahagyang pagtaas ng kaso ng virus partikular sa NCR ay dahil sa 100% capacity sa mga public transport.
Aniya, magdedepende pa rin umano ang desisyon sa gobyerno lalo na sa Inter-Agency Task Force kung ano ang uunahin, ang public health standard o ekonomiya.
Kailangan pa rin aniyang balansehin ito upang hindi na bumalik noong unang taon ng pandemya.
Sa ngayon, patuloy na nagpapaalala ang gobyerno sa mga Pilipino na huwag nang hintayin pang lumubo ang kaso ng virus sa bansa.