NADAGDAGAN ng 1,500 healthcare workers ang makapagtrabaho sa ibang bansa mula sa 5,000 na annual deployment cap ay itinaas ito sa 6,500.
Ayon kay Philippine Overseas Employment Agency Administrator (POEA) Atty. Bernard Olalia na Enero 2021 pa lang ay naabot na ng ahensya ang 6,000 cap na itinakda ng Inter Agency Task Force.
Giit ni Olalia na pinagbigyan ng IATF ang hiling ng ahensya na dagdagan pa ang bilang ng mga healthcare worker na maaaring mangibang bansa.
Sa 1500 healthcare worker aniya, 99% dito ay mga nurses habang 1 percent naman ang ibang mission critical skills.
Binigyan naman ng POEA ang mga recruitment agency ng authorization na iproseso ang kanilang deployment at sila na rin mismo ang magbibigay ng Overseas Employment Certificate.
Subalit nangangamba ang ilan na baka magkaubusan na ng mga healthcare worker sa bansa lalo na ngayon na patuloy pa rin ang laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Olalia na sa 10,000 indibidwal ay kinakailangan ng 27 nurses.
Base sa datos ng Department of Health (DOH), ang bilang ng mga nurses na nasa mga hospital at mga pribadong pasilidad ay nasa 183,000 lang kulang pa ito aniya ng 120,000 nurses.
Kaya naman mahalaga ani Olalia na tingnan din ang pangangailangan ng healthcare system sa bansa.
Nursing Licensure Examination, pinayagan na ng IATF
Samantala, upang matugunan ang kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas ay pinayagan na rin ng IATF ngayong Hulyo ang Professional Regulation Commission na magsagawa ng Nursing Licensure Examination.
Inaasahan rin na sa panahong tataas na ang bilang ng mga nurse sa bansa ay hihilingin muli ng POEA na itaas muli ang deployment cap para sa mga healthcare worker.
Deployment ban sa bansang Oman, inalis na — POEA
Maaari na ring bumalik ang mga OFWs sa Oman matapos ang pag-uusap ng Omani government at ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Magugunitang nagpatupad ng deployment ban sa Oman matapos isama ng Oman ang Pilipinas sa travel ban nito.
Base sa tala ng POEA na bago pa man ang pandemya ay nasa higit 25,000 OFW ang ipinapadala sa Oman.
Pero bumababa ito sa limang libo mula Enero hanggang Mayo ng 2021 dahil sa banta ng COVID-19.
Kamakailan lang ay nagpatupad ng travel restriction sa pitong bansa dahil na rin sa banta ng Delta variant.
Pero ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na payagang makauwi ang mga OFW na nais bumalik ng Pilipinas mula sa mga bansang India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Sri Lanka, Oman at United Arab Emirates.