HIRIT ni Pamplona Mayor Janice Degamo na dapat maisama rin sa masampahan ng kaso si Dating Negros Oriental Governor Henry Pryde Teves.
Ito’y matapos tuluyan nang nasampahan ng murder complaints at iba pang reklamo si suspended Cong. Arnolfo ‘Arnie’ Teves, Jr. araw ng Miyerkules, Mayo 17, kasunod ng assassination kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa 9 na iba pa.
Isa sa mga nagpapasalamat dito ay si Mayor Degamo.
Ani Mayor Janice, kasabwat si Henry Pryde Teves ni Arnie Teves sa pagplano sa pagpatay ng kaniyang asawa.
Si Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla, tiniyak na patuloy ang imbestigasyon para kay Teves.
Samantala, ayon sa DOJ, maaring abutin ng 1 buwan bago makakapagsampa ng kaso ang DOJ prosecutors laban kay Arnie Teves kung makikitaan ng probable cause ang mga reklamo.
Mapapaaga lang ito, kung hindi personal na haharap sa preliminary investigation si Teves.
Si Mrs. Degamo bagamat aminado, naiinip na ay wala umano siyang magagawa kundi ang maghintay na lamang na maisampa na ang kaso sa umano’y mastermind sa pagpatay sa kaniyang asawa.
Nag-iisip naman si Mrs. Degamo na dalasan ang pagluwas ng Maynila sa pag-follow up ng kaso.