NANAWAGAN si Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa sa mga local government unit (LGU) na agad na ipamahagi ang nasa 400,000 na donated bivalent COVID-19 vaccines na nakatakdang ma-expire sa Nobyembre.
Sinabi ni Herbosa na simulan nang ipamahagi ng DOH ang nasa 390,000 doses ng bivalent vaccines sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Matatandaan na dumating ang unang batch ng bivalent jabs na donasiyon ng Lithuanian government sa bansa noong Hunyo 3 at nakatakda itong ma-expire sa Nobyembre 23.
Sa ngayon ay naipamahagi na rin sa iba’t ibang regional office ng DOH ang mga nasabing bivalent vaccines ayon pa kay Herbosa.
Gaya naman ng naunang COVID-19 vaccinations, bibigyang prayoridad ulit ng pamahalaan ang mga vulnerable sector gaya ng mga nakatatanda at mga indibidwal na may comorbidity at healthcare worker.