Hidwaan sa pagitan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, Pilipino ang talo—Chavit Singson

Hidwaan sa pagitan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, Pilipino ang talo—Chavit Singson

HINDI maganda para sa isang bansa ang pagkakaroon ng hidwaan sa pagitan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, gaya ng nangyayari ngayon kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at Pangalawang Pangulong Inday Sara Duterte.

Sinabi ni Senatorial Aspirant Manong Chavit Singson na ang mga Pilipino ang talo sa mga nangyayari ngayon sa hidwaan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte.

Binigyang-diin niya na kung magpapatuloy ang kanilang alitan, maraming mga lider ng bansa ang mawawalan ng tiwala, at maging ang mga investor ay matatakot nang mamuhunan, na tiyak na makakaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Sinamahan aniya niya noon sina Marcos at Duterte sa pag-iikot sa buong bansa para sa pangangampanya, upang itaguyod ang pagkakaisa at pagsasama-sama. Kaya’t kung siya’y papalarin na manalo sa Senado, susubukan niyang muling pagkaisahin ang mga ito.

Sa usapin naman hinggil sa impeachment laban sa Bise-Presidente, inihayag ni Singson na dapat sundin ang utos ng Pangulo na huwag na itong ituloy.

Samantala, marami aniyang kalukuhan sa ayuda, tulad ng kaltas, pagpili lamang ng mga benepisyaryo, at hindi malinaw na pamamahagi, pati na rin ang mga kaso ng graft and corruption. Kaya’t aniya ang unang ipapanukala niya sa Senado ay ang pagkakaroon ng batas na ginagawa na sa ibang bansa, na tatawagin niyang ‘Chavit 500,’ upang matulungan ang mga mahihirap, lahat ng walang trabaho, magsasaka, at mga hindi umaabot sa minimum wage, pati na rin ang mga 18 taong gulang pataas, upang mabigyan ang mga ito ng ₱500 buwanang hanapbuhay.

Ang pahayag na ito ni dating Ilocos Sur Governor Manong Chavit ay kasabay ng paglulunsad ng ‘Vbank,’ ang bangko ng masa, dito sa Lungsod ng Santiago, Isabela, na layuning tulungan ang mga negosyante at mahihirap na Pilipino na magkaroon ng kanilang sariling bank account.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter