NASA kamay na ng kapulisan ang tatlong pinaghihinalaang High-Value Individuals (HVI) habang nasamsam ang tinatayang 100 gramo ng pinaghihinalaang shabu na may halagang P680K sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Brgy. Del Pilar, San Fernando City, Pampanga nitong Lunes, Enero 6, bandang 9:40 ng gabi.
Bunga ng pinagsanib na puwersa ng Intel/Station Drug Enforcement Unit, San Fernando City Police Station, matagumpay na naisagawa ang anti-illegal drugs buy-bust operation laban sa mga suspek na kinilalang sina alias “Rogie,” alias “Carbon,” at alias “Jaina.”
Agad na dinala ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensiya sa San Fernando City Police Station para sa dokyumentasyon.
Kasalukuyang inihahanda ang kaukulang mga dokyumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 laban sa kanila.
Pinuri naman ni PBGen. Redrico A Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 3, ang operasyon at tagumpay ng mga tauhan nito laban sa ilegal na droga sa rehiyon.