Higit 1.5-M eligible rice farmers, inaasahang makatatanggap ng ayuda simula ngayong 3rd quarter ng 2022

Higit 1.5-M eligible rice farmers, inaasahang makatatanggap ng ayuda simula ngayong 3rd quarter ng 2022

INAASAHAN na makatatanggap ng ayuda ang mahigit 1.5 million na eligible rice farmers sa ikatlo at ikaapat na kwarter ng kasalukuyang taon.

Ito’y matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) nitong  Hulyo 29 ang paglalabas ng Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng mahigit P8 billion para sa Department of Agriculture (DA).

Ayon kay DBM Secretary Amenah  Pangandaman, ang naturang pondo ay gagamitin para sa distribusyon ng tig-P5,000 na subsidiya para sa eligible rice farmers.

Inaasahan namang matatanggap ng mga magsasaka ang naturang cash aid sa 3rd at 4th quarter ng 2022.

Ang paglalabas ng NCA ay nakalinya sa implementasyon ng Rice Farmers’ Financial Assistance (RFFA) program upang masuportahan ang mga magsasaka na apektado ng Rice Tariffication Law.

Inihayag pa ni Pangandaman na  makatutulong din sa mga magsasaka ang nasabing ayuda sa pag-secure ng kanilang farm inputs gaya ng fertilizer at oil farm machinery.

Saysay pa ng kalihim, saklaw ng NCA ang service fee, kasama na rin ang cost of card generation, para sa Rice Competitive Enhancement Fund-RFFA sa ilalim ng Development Bank of the Philippines (DBP).

Noong Marso 24, 2022, nakapaglabas na ang DBM ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng P8.9 billion sa DA sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations, General Appropriations Act FY 2022, at Republic Act 11639.

Samantala noong Mayo 6 naman, nakapag-release rin ang DBM sa DA ng initial NCA na nagkakahalaga ng lagpas P894 million.

Base ito sa computed budgetary requirements ng 173,753 qualified rice farmer-beneficiaries.

Pahayag pa ng DBM chief, nakatutulong din ang naturang unconditional financial assistance lalo na sa rice farmers na naapektuhan ng nagdaang natural calamities.

Follow SMNI News on Twitter