Higit 1-M dosis ng Pfizer vaccine, darating ngayong araw sa bansa

Higit 1-M dosis ng Pfizer vaccine, darating ngayong araw sa bansa

INAASAHANG darating ngayong araw ang mahigit isang milyong dosis ng Pfizer vaccine sa bansa na binili ng gobyerno ng Pilipinas.

Lulan ng Air Hongkong Flight LD456 na inaasahang lalapag ng alas 9:05 mamayang gabi sa Terminal-3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasa kabuuang 1,023,750 doses ng Pfizer vaccine.

Una na ring sinabi ni NTF Against COVID-19 Chief Implementer and  Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez  Jr. na ang supply ng bakuna para sa mga batang may edad na lima hanggang 11 ay inaasahang darating sa huling linggo ng Enero.

Nakahanda na ang pamahalaang nasyonal na ilunsad ang programa ng pagbabakuna para sa mga batang may edad lima hanggang 11 simula sa susunod na linggo, o Pebrero 4.

Matatandaan sa Talk to the People Public Address Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sinabi ni Sec. Galvez, na sumasailalim na sa pagsasanay ang mga vaccinators bilang paghahanda sa inoculation ng nasabing age group.

Ani pa ni Galvez, ang  memorandum guidance ay lalabas  ngayong linggo at ang  town hall meetings na pamumunuan  ng DOH at  series of trainings ay tuluy-tuloy ngayong linggo, na sinimulan mula  Enero 24  hanggang Enero 28.

Tiniyak din ni Galvez sa publiko na  ligtas at mabisa ang reformulated vaccines na gagamitin para sa mga batang may edad lima hanggang 11  ito dahil sa  mas mababa ang formulation na angkop para sa mga bata.

Sinabi din ni Galvez na ang Phase 1 ng pagpapatupad ng rollout ay isasagawa sa dalawang vaccination site bawat lungsod sa Metro Manila.

Para sa Phase 2, ang mga lugar ng pagbabakuna sa Metro Manila ay palalawakin, kasama ang pilot rollout sa mga piling lugar sa iba pang mga rehiyon.

Samantala, tiniyak naman ni National Task Force Against COVID-19 Medical Adviser Dr. Ted Herbosa magiging tuluy-tuloy na ang pagbabakuna sa mga naturang age group

“Tama iyan ‘no. Mag-uumpisa tayo sa NCR starting February 1, ang unang linggo ng February. Dadating nitong January 31 ang unang delivery ng 15 million doses na ating in-order. Ang unang parating sa January 31 ay 780,000 doses of pediatric Pfizer ‘no, iyong para sa bata. Ito ay ibang dose ito, mas mababa at two doses din ang ibibigay sa ating mga bata at a few days later, darating about two million, 1.8 million doses. So, makakapag-umpisa tayo sa NCR, at usually tuluy-tuloy na ang pag-deliver ng Pfizer niyan every week ng kanilang mga requirements na i-deliver para sa ating pediatric vaccination,” pahayag ni Herbosa.

Sa kasalukuyan nasa mahigit 215 million doses na ng COVID-19 vaccines ang tinanggap ng Pilipinas simula Pebrero 2021.

Follow SMNI News on Twitter

Leave a Reply

Your email address will not be published.