ARAW ng Lunes, sinimulan na ang kick-off celebration para sa weeklong activities ng Migrant Worker’s Day sa gusali ng Department of Migrant Workers (DMW) sa lungsod ng Mandaluyong.
Kasunod sa flag raising ceremony at ribbon cutting ng weeklong trade fair, nagkaroon din ng free medical consultation and services sa mga OFW sa pamamagitan ng OFW Hospital sa lugar.
Nagkaroon din ng pagbubukas ng house and trade fair sa lahat ng DMW Regional Offices.
Kalakip din sa unang araw ng weeklong celebration ang pagtanggap ng 45 benepisyaryo ng financial assistance sa mga distressed OFW mula sa action fund.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, mayroong inilaan na P2.8-B pondo ang pamahalaan para sa mga OFW na nangangailangan ng agarang tulong.
Ang action fund ay isang uri ng pondo o halaga na inilaan upang suportahan ang mga programa at serbisyo para sa mga manggagawang migrante.
Ito ay karaniwang ginagamit upang matugunan ang mga pangangailangan at isyu ng mga OFW, tulad ng financial assistance, legal aid, counseling services, at iba pang suportang serbisyo para sa kanilang kaligtasan at kapakanan habang sila ay nasa ibang bansa.
“’Yung action fund ay agarang tulong sa mga humihingi ng saklolo sa DMW at apat ang components niyan, legal and assistance, financial, humanitarian and medical,” pahayag ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.
Kalakip din sa isang linggong aktibidad para sa selebrasyon ng Migrant Worker’s Day ang pagkakaloob ng assistance sa mahigit 100 benepisyaryo mula sa action fund.
“Ngayong Migrant Workers Week, mayroon po kaming 104 na beneficiaries, at 30,000 that’s around P3.12-M towards sa 1-week celebration” saad ni Asec. Venecio Legaspi, DMW.
Sa darating na Biyernes ang pinaka highlights ng pagdiriwang para sa Migrant Worker’s Day kung saan may mga variety show sa mga OFW, mayroon ding MOA signing sa pagitan ng DMW at Miss Universe Philippines at marami pang iba.