HINIKAYAT ng Social Security System (SSS) ang mga employer na bigong maghulog ng kontribusyon ng kanilang empleyado na samantalahin ang Contribution Penalty Condonation programs ng SSS.
Walang hinto ang SSS sa paghabol sa mga employer na bigong makapag-remit ng kanilang contribution ng kanilang mga empleyado.
Nitong linggo, higit 100 employer sa Mandaluyong, Pasig, Marikina, San Juan at ilang lungsod sa Rizal ang binigyan ng notice of violations sa dalawang araw na Run After Contribution Evaders (RACE) campaign ng SSS.
Pinagpapaliwanag ang bawat employer na ayon sa SSS ay hindi tumatalima sa pagbabayad ng kontribusyon.
Aabot sa kabuuang P54.20-M ang halaga ng hindi nahuhulog na kontribusyon at penalties.
Dahil dito pinangangambahan na posibleng hindi matanggap ng higit 1,200 empleyado ang kanilang SSS benefits.
“Kapag hindi updated ‘yung contributions of the employees and in the time that the contingency sets in, contingencies like death, birth or unemployment, disability, then hindi sila mafu-fully covered doon sa benefits. They will not be able to enjoy fully the benefits that is provided by law to them. So, madedeprive sila,” ayon kay Atty. Rodolfo Bondad, Jr., Legal Department, SSS-NCR East.
SSS, may condonation program sa mga employer na mabigong mag-remit ng kontribusyon
Dahil dito, hinikayat ng SSS ang mga employer na ayusin ang kanilang contribution delinquencies.
Ayon sa ahensiya maaaring samantalahin ng mga employer ang Contribution Penalty Condonation programs para maayos ang kanilang obligasyon.
“Sa ngayon mayroon kaming ino-offer na Penalty Condonation Program. This is a contribution penalty Condonation Delinquency Program and restructuring for those employer na sinabi niyo po na delinquent. Wala siyang deadline. Continuing ito to help ‘yung mga employers na nag-suffer during COVID,” ayon kay Teresita Soliman, Vice President SSS-NCR East Division.
Sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation programs, maaaring magbayad ng unremitted contributions ang mga employer habang sumasailalim sa condonation ng penalties.
Babala naman ng SSS na hindi sila magdadalawang isip na kasuhan ang mga employer na hindi nagbabayad ng contributions para sa kanilang mga empleyado.