HUMIGIT-kumulang 20 libong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang apektado dahil sa pagkansela ng kanilang flights araw ng Miyerkules bunsod ng masamang panahon dala ng Bagyong Carina.
Sa inilabas na ulat ng Manila International Airport Authority-Media Affairs Division Office, mga biyaheng balikan mula Manila patungong Bacolod, Cagayan de Oro City, Busuanga, Davao, Cebu, Iloilo, San Jose, Naga, Masbate, Siargao, Legazpi, Caticlan, Laoag, Tuguegarao, Cauayan, Tagbilaran, General Santos, Zamboanga, Dipolog, Puerto Princesa, Pagadian, Dumaguete, Kalibo at Roxas o vice versa para sa may domestic flight ang kanselado.
Apektado rin ang international flight ng Cebu Pacific, Philippine Airlines, at Eva Air na may ruta sa pagitan ng Manila at Taipei.
Miyerkules ng hapon, nag-divert naman ang Royal Air Flight RW 130 Danang-Manila sa Clark International Airport dahil pa rin sa sama ng panahon.
Pinapayuhan ng Philippine Airlines ang mga pasahero na naantala sa paglipad dahil sa patuloy na pag-ulan at malalaking pagbaha na suriin muna ang status ng kanilang flight bago magtungo sa paliparan.
Maaari mag-log on sa www.philippineairlines.com at bisitahin ang ‘Flight Status’. I-type lamang ang flight number at flight status na ipapakita sa screen.
Hinihikayat naman ng Cebu Pacific ang mga pasahero na apektado na maaring mag-avail ng libreng rebooking travel fund at refund sa mga pasaherong gustong ipagpaliban ang kanilang mga flight papunta at mula sa Manila at Clark na naka-iskedyul hanggang Hulyo 26, 2024.
Maaari nilang gamitin ang mga opsiyong ito sa pamamagitan ng Manage Booking portal ng Cebu Pacific ng hanggang dalawang oras bago ang kanilang nakatakdang oras ng pag-lipad.
May flexible options din na inaalok ang AirAsia Philippines sa kanilang mga guest na apektado ng Bagyong Carina.
Sinabi ng AirAsia Philippines na ang mga pasahero ay maaring mag-adjust ng kanilang flight gamit ang AirAsia Move app sa loob ng 30 araw mula sa orihinal ng kanilang departure date.
Operasyon ng ilang paliparan sa bansa, apektado dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina
Samantala, ilan sa mga paliparan na pinapatakbo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay pansamantalang nasuspinde.
Kabilang na rito ang flight operations ng Basco Airport, San Jose Airport, ang GenAv training flights ng Iba Airport, Gen Av and Training Flights ng Plaridel Airport, ang aerodrome operations ng Sangley Airport ay suspendido rin dahil sa pagbaha sa runway at apron ng paliparan.
Wala ring GenAv operations sa Lubang Airport, suspendido rin ang Laoag Airport, Vigan Airport, Cauayan, Lingayen Airport, San Fernando Airport, at Baguio Airport.