BAGAMAT wala pang Pilipino ang naiulat na nadamay sa nagpapatuloy na tensyon sa bansang Israel ngunit aminado ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) na nakakaranas ngayon ng trauma ang ilang mga overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Israel.
Ayon kay Labor Attache Rudy Gabasan ng Israel, mayroon higit 100 mga Pilipino sa siyudad ng Ashdod, Ashkelon, at Gaza ang dapat nang mailikas.
Sa kabila ng walang Pilipino ang nagpahayag ng kanilang hangarin na makauwi sa Pilipinas dahil sa tumitinding tensyon sa Israel.
Uunahin munang ilikas ang sampung Pilipino na nasa Gaza na nakararanas ngayon ng matinding mga pagsabog sa lugar.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine Embassy ng Tel Aviv sa Philippine Embassy ng Aman para kung sakaling magkaroon ng ceasefire ay kukunin ang mga Pilipino na nasa loob ng Gaza.
Dagdag ni Gabasan, nasa precautionary measure pa lang ang mga Pilipino sa Israel.
Pinaalalahanan naman ang mga Pilipino na sumunod lamang sa mga alintuntunin na inilibas ng Israel government na kung magkaroon ng sirena sa kani-kanilang mga lugar ay kailangan agad pumasok sa mga bomb shelter.
Ayon pa rin sa naturang opisyal may dalawang simbahan na silang kinausap sa Tel Aviv para gawing staging areas o pansamantala na maaaring puntahan ng mga kababayan doon.
Kinausap na rin nila ang mga hotel association sa Israel na pwedeng pansamantalang paglilikasan ng mga Pilipino sa Ashdod at Ashkelon.
Una na ring sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakahanda naman ang Philippine government sa posibleng repatriation ng mga Pilipino doon kung kinakailangan.
(BASAHIN: 36 Palestinian, patay sa pambobomba ng Israeli military sa Gaza)