Higit 1,100 indibidwal, apektado ng mudslide sa Mainit, Surigao del Norte

Higit 1,100 indibidwal, apektado ng mudslide sa Mainit, Surigao del Norte

NAG-iwan ng matinding pinsala ang pagputok ng tailing pond ng Greenstone Resources Corporation sa Brgy. Siana sa bayan ng Mainit, Surigao del Norte noong Sabado Mayo 11.

Sa pag-ikot ng SMNI News, nakita ang trauma at lungkot ng mahigit isang libong indibidwal o mahigit isang daan mga pamilya na nawalan ng matitirhan matapos matabunan ng putik o mudslide ang kanilang mga pamamahay.

Bukod dito, nagkasira-sira din ang mga kalsada at hindi na maaaring daanan pa.

Maging ang malaking parte ng agricultural area ay hindi rin nakaligtas kaya’t wala nang aanihin pa sa nasabing lugar.

Sa ngayon ang mga biktima ng mudslide ay pansamantalang nanunuluyan sa pitong evacuation area ng lokal na pamahalaan kung saan hindi nila alam at walang anumang katiyakan kung hanggang kailan dito sila mananatili.

Panawagan ng mga ito sa gobyerno at sa Greenstone Resources Corporation ang agarang tulong upang makaahon at magkaroon muli ng sariling bahay sa ibang lugar upang maiwasan na maulit ang nasabing trahedya.

“Sana pagtuunan nila kami ng pansin na matulongan nila kami sa aming problema dito. I-relocate at bayaran nila kami ‘yun lang,” pahayag ni Tata Lincuna-Residente-Brgy. Siana, Mainit, Surigao del Norte.

“Gusto kong ipaabot sa kanila na magkaroon kami ng matitirhan, pagkain, damit. ‘Yun ang una naming pangangailangan. Kasi walang nakatulong sa amin na maghakot ng mga gamit noong time na nangyari. Sa umpisa pa lang nag-crack ‘yung kalsada. ‘Yun ang gusto ko sir na sana mayroon kaming matirhan na bahay para komportable naman kami,” ayon kay Henry Odtojan-Residente, Brgy. Siana, Mainit, Surigao del Norte.

Nangako naman ang Greenstone Resources Corporation na sasagutin ng kanilang kompanya ang lahat ng danyos ng mga biktima.

“Sa ngayon ang consultation namin mayroon kaming immediate plan at saka action plan. Tapos ang mga damages doon sa community, sa families is ipa-compensate po ng company even ‘yung totally damage na mga bahay is mag be-build ulit tayo ng community which is the expense of GRC,” ayon kay Dante Villegas – Assistant Technical Manager, Greenstone Resources Corporation.

Nagbigay rin ng katiyakan si Governor Robert Lyndon Barbers sa tulong na ipagkakaloob ng government unit ng Surigao del Norte para sa mga residente ng Brgy. Siana.

“Mayroon kaming assessment, similar situation walang kaibahan sa mga kalamidad tulad ng bagyo, (gaya) ng totally damage na mga bahay, partially damage. Kaya mayroon tayong assessment na ginagawa of course there will be a financial assistant to the affected family,” wika ni Gov. Robert Lyndon Barbers – Surigao del Norte.

Para sa mga nais magpaabot ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan,

“We encourage na magtulungan, magtulungan tayo sa panahon ng krisis nararanasan ng (barangay) Siana. We believe na mayroong kind heart na mga people willing to extend their help and we are open for that, just coordinate sa aming opisina sa camp manager, whatever intervention, whatever services na i-provide sa private individuals even private natin na corporation, private natin na sectors,” saad ni Ann Ruvick Mondano – MSWD Officer, Mainit, Surigao del Norte.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter