NGAYONG araw ay magagamit na ang free WiFi connection na ikinabit sa mga tahanan ng Lungsod ng San Juan.
Ilulunsad kasi ngayon ng San Juan LGU at Converge ICT Solutions, Inc. ang Fiber Optic Internet.
Ito ay para sa online education ng mga estudyante ng mga pampublikong eskwelahan habang ipinagbabawal pa ang face-to-face classes sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nagsimula ang installation ng mga WiFi connection sa 6,000 kabahayan nakaraang taon kung saan nasa higit 12,000 estudyante ang nakakabenepisyo.
Kasabay nito ay inilunsad din ang Makabagong San Juan Learning Management System at Learning Communications System.
Ito ay mga applications na dinisenyo para sa pag-aaral ng mga estudyante ng lungsod kung saan ang mga lessons, assignments at tests ay magagawa na online kasama ang kanilang mga guro.
Nakaraang linggo ay namahagi rin ng 12,500 tablets, 1000 laptops at 1000 pocket WiFi para sa mga estudyante ng mga pampublikong eskwelahan ng lungsod.
Ang Fiber Optic Internet Connection at Learning Management system ay bahagi ng programa ng San Juan City LGU na mabigyan ng kalidad na edukasyon ang mga estudyante sa gitna ng nararanasang pandemya.
Sa ngayon ay mayroon nang “1 is to 1 ratio” sa mga public school students sa San Juan ng mga tablets and laptops.
Ang lahat naman ng mga public school teachers ay may kanya-kanyang laptops na rin para dito.
Hangad ng San Juan LGU ang mataas na antas ng edukasyon para sa ating mga kabataan.
(BASAHIN:Bagong container van quarantine facility sa San Juan City, binuksan na)