Higit 17-M pamilyang Pilipino ang nagsabing sila’y mahirap nitong 2024—SWS

Higit 17-M pamilyang Pilipino ang nagsabing sila’y mahirap nitong 2024—SWS

HIGIT 17-M Pilipino daw ang nagsabing sila’y mahirap nitong 2024. ‘Yan ay base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Mahirap maging mahirap. ‘Yan ang sabi ni Aling Cristina nang makapanayam ng SMNI News Team patungkol sa estado ng kanilang buhay sa panahong ito.

‘Yun nga lang tatlong trabaho na ang pinasok niya para lang talaga kumita at nang mapakain at mapag-aral ang kaniyang mga anak.

Kakaunti lang kasi ang kinikita ng kaniyang asawa bilang construction worker na sinabayan pa ng walang humpay na pagsirit sa presyo ng bilihin.

“Mag-labandera ako, basahan tapos sa canteen, sobrang hirap kasi ibu-budget ko sa anak ko. Magkano na ang bigas ngayon, ulam lalo na gulay natin tumaas rekado natin tumaas, kuryente natin tumaas, tubig paano masapat ‘yan?” ayon kay Cristina Yap Villamil.

Ang kahirapan ay isang malawak at masalimuot na isyu na kinaharap hindi lamang ni Aling Cristina kundi ng maraming Pilipino.

Sabi ng DSWD hindi sila nagkulang kasunod ‘yan nang inilabas na survey ng Social Weather Stations na higit 17 milyong pamilya ang nagsabing sila’y mahirap nitong December 2024.

“Maraming disasters na nangyari ‘yung El Niño, ‘yung mga iba’t ibang bagyo and of course ‘yung inflation. ‘Yung mga factor kasi na ‘yan ay nakakaapekto doon sa mga perception nung mga respondent doon sa nararamdaman, na sila ay nakakaramdam ng kahirapan,” wika ni Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.

Ngunit para sa ilang mahihirap na Pilipino—hindi sila kontento sa ginagawang hakbang ng gobyerno para mapabuti ang buhay ni Juan dela Cruz.

Sa pinakahuling survey nga ng SWS mas mataas ng apat na puntos ang naitalang 63% nitong Disyembre 12-18, 2024 kumpara ‘yan sa 59% noong Setyembre ng kaparehong taon na katumbas ng 16.3 milyong pamilya.

Ito ang pinakamataas na percentage ng self-rated poor families sa loob ng 21 taon.

Nasa 26% ang naniniwalang hindi sila mahirap habang 26% ang nagsabing sila’y nasa borderline.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face to face interviews sa 2,160 indibidwal sa bansa.

“Ang daming nagugutom ngayon, sa hirap ng kawalan ng trabaho hindi makapag-hanapbuhay dahil walang ma-aplayan ng iba kaya nagiging kawawa ang mga Pilipino,” ayon kay Mario Bersa.

“Sana tulungan naman nila ‘yung mahihirap para hindi na makagawa ng masama ‘yong tao kasi ‘yan din ang dahilan kung nakakagawa ng masama dahil sa kahirapan ng pamilya. Kasi minsan dinaranas namin ‘yung walang kain kasi kapag basahan namin ay nahuhuli pa sa kanto 5’6 lang ‘yung utang namin sa bombay huhulihin pa ng MMDA ng Oplan ano pa ang ibabayad namin? wika ni Cristina Yap Villamil.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble