Higit 17,000 sundalo, handa na para sa BSKE sa Kabisayaan

Higit 17,000 sundalo, handa na para sa BSKE sa Kabisayaan

NAKAHANDA na ang AFP Visayas Command (VisCom) sa pagbibigay seguridad sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Ito ang inihayag ni AFP VisCom commander Lieutenant General Benedict Arevalo sa 3rd Quarter Meeting ng Visayas Joint Peace and Security Coordinating Center (VJPSCC).

Ayon kay Arevalo, 17,463 AFP personnel na binubuo ng Officers, Enlisted Personnel, at CAFGU Active Auxiliary (CAA) ang titiyak na magiging ligtas, mapayapa, at maayos ang pagdaraos ng halalan sa Kabisayaan.

Sa nasabing bilang, 5,866 personnel ang magbabantay sa Region 6; 5,356 personnel sa Region 7; at mahigit 6,000 personnel sa Region 8.

Halos kalahati ng puwersa ang tututok sa military operations upang mapigilan ang posibleng aktibidad ng CPP-NPA.

Habang ang natitirang kalahati ang magiging katuwang ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbabantay sa polling centers, transportasyon ng mga election paraphernalia, at pagsasagawa ng COMELEC checkpoints sa urban areas.

Follow SMNI NEWS on Twitter