SA 5,179,560 dosis ng COVID-19 vaccine ang inaasahang dumating sa bansa ngayong araw, nasa 3,320,960 dosis ang unang dumating ngayong umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-3.
Sa abiso ng MIAA Media Affairs Division Office, unang lumapag pasado alas sais ngayong umaga sa Terminal-1 ng NAIA ang eroplano ng Emirates Airlines Flight EK334 kung saan sakay nito ang nasa kabuuang 1,623,960 doses ng Pfizer vaccines na donasyon ng US government.
Kasabay nito na dumating ang 1,697,000 doses ng AstraZeneca vaccines na donasyon naman ng French government sa pamamagitan ng COVAX.
Bago mag alas siyete naman mamayang gabi ang inaasahang pagdating ng 500,000 doses ng AstraZeneca vaccine na sakay naman ng Turkish Airlines Flight tk084 na lalapag sa NAIA Terminal-3.
Ang mga naturang bakuna ay donasyon ng Argentina government.
Pasado alas nuebe mamayang gabi ang paglapag ng Korean Airlines Flight KE623 sa NAIA Terminal -1 kung saan lulan naman nito ang nasa 1,358,600 doses ng Moderna vaccine na binili naman ng pribadong sektor.
Matatandaan kahapon nasa 2,752,905 doses ng Pfizer vaccine ang dumating sa Pilipinas.
Sa bilang na ito ang 1,775,955 doses ay donasyon sa pamamagitan ng COVAX at ang 976,950 doses ay binili naman ng gobyerno ng Pilipinas.
Ayon naman kay chief implementer and vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. nasa 100,907,667 ang nabakunahan na sa bansa.
Sa bilang na ito 43,534,136 naman dito ay fully vaccinated.
Aminado naman si Galvez na dahil nga sa ginawang hagupit ng Bagyong Odette ay malaking hamon para sa kanila na makamit ang 54 milyong Pilipino ang mabakunahan bago matapos ang 2021.
Una na rin sinabi ng National Task Force Against COVID-19 na target nito na makapagbakuna ng 99 milyong Pilipino, bago matapos ang Administrasyong Duterte na katumbas ito ng 90 percent ng total population ng mga Pilipino.
Sa Huwebes inaasahan naman ang pagdating pa ng 1,531,000 doses ng Moderna vaccines.
Sa ngayon nasa kabuuang 190,486,365 doses ng COVID-19 vaccines ang tinanggap na ng Pilipinas simula Pebrero 2021.