Higit 300 OFW galing Kuwait, balik bansa na

Higit 300 OFW galing Kuwait, balik bansa na

NAKAUWI na sa bansa ang nasa 350 overseas Filipino workers (OFW) na tinulungan ng gobyerno ng Pilipinas mula bansang Kuwait.

Pasado alas sais na kagabi lumapag sa NAIA Terminal-1 ang  chartered flight Philippine Airlines PR 8764 kung saan lulan ang 350 OFWs na nakauwi na sa bansa kahapon galing Kuwait.

Mainit na sinalubong ng mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFW na galing Kuwait.

Ang mga naturang OFW ay tinulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng chartered flight ng DFA para sila ay makauwi sa bansa.

Karamihan sa mga umuwi ay mga distressed workers na natapos na ang kontrata at ang iba sa kanila ay may mga problema sa kani-kanilang employer.

Tinulungan din ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang mga OFW para sa pagproseso ng kanilang exit clearance.

Pinangakuan naman ni OWWA administrator Arnell Ignacio ang distressed OFW na maaaring mapabilang sila sa makatatanggap ng Balik Pinas! Balik Hanapbuhay! Program.

May ilan din sa mga umuwing OFW na may medical condition na nakahanda ring tulungan ng pamahalaan.

Ayon kay Ignacio ang mga OFW na dumating Martes ng gabi na hindi kumpleto ang bakuna ay sasailalim sa quarantine.

Tiniyak din ni Ignacio ang COVID-19 test na sasailalim sa quarantine ay sasagutin naman ng PhilHealth at Department of Health (DOH).

Follow SMNI News on Twitter