SINABI ni Albay Gov. Edcel Greco Lagman na posibleng puwersahang ilikas ang mahigit 33,000 residente kung sakaling isasailalim sa Alert Level-4 ang Bulkang Mayon.
Sa naging briefing kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sinabi ni Lagman na nasa 33,326 na indibidwal o 8,637 na pamilya ang maaaring maapektuhan ng pag-aalboroto ng bulkan kung lalala pa ito.
Sinabi rin ni Lagman kay Pangulong Marcos na kakailanganin ng kaniyang probinsiya ng P196.7-M upang maipagpatuloy ang pagsuporta sa mga evacuees sa susunod na 90-araw.
Siniguro naman ni Pangulong Marcos, maaaring maibigay ng pamahalaan ang P196-M na kailangan ng probinsiya, ngunit kakailanganin pa nila ng karagdagang detalye upang mapag-aralan pa nang husto ang sitwasyon.
Sa ngayon, nasa mahigit 16,000 na katao ang nananatili sa 22 evacuation centers sa Albay simula nang mag-alboroto ang bulkan ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).