INAAKSIYUNAN na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang bawat reklamo na kanilang natatanggap patungkol sa text scam.
Ito ang inihayag ni NTC Deputy Commissioner Atty. John Paulo Salvahan sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes.
Ani Salvahan, iniendorso nila ang mga reklamong ito sa telcos kung verified na valid o qualified na text scam o text spam complaint at upang magawan na rin ng karampatang aksiyon gaya ng deactivation o magkasa ng necessary investigation.
“Kami po ay patuloy pong nakikipag-ugnayan sa telco, kasama po sila doon sa technical working group na nagdi-discuss kung papaano po i-enforce, i-enhance ito pong SIM registration process natin, pati po ang post-registration validation procedure at nag-express naman po sila ng willingness nila to enhance or improve their system para po mabawasan at mapigilan po iyong ganitong mga text scams at text spams po,” ayon kay Atty. Jon Paulo Salvahan, Deputy Commissioner, NTC.
Kaugnay rito, sinabi rin ni Salvahan na patuloy silang nagsasagawa ng pulong partikular ang technical working group.
Ito’y upang paghusayin pa ang implementing rules and regulations at mapalakas ang SIM registration process, pati ang post-registration validation procedures ng NTC.
Inilahad pa ni Salvahan na base sa datos mula noong ipinatupad ang SIM registration hanggang nitong Setyembre 4, nasa 45,000 ang naitala nilang reklamo patungkol sa text scams.
Text scams, nagmumula sa parehong local at foreign scammers—NTC
Batay sa reports ng law enforcement authorities, nagmumula ang mga text scam sa parehong local at foreign scammers.
Sa domestic sources, sinabi ni Salvahan na mukhang mga organized syndicate ang nagpapalaganap nito na nakahanap ng paraan para malusutan ang SIM registration process.
Sa kabila ng mga isyu ng text scam, binigyang-diin ng NTC ang magandang naidudulot ng SIM registration sa bansa.
Ani Salvahan, mayroon talagang mga nahuhuli na nagpapadala ng mga text spam, sabay iginiit na may karampatang parusang pinapataw ang batas dito sa mga lumalabag sa SIM Registration Act.
Text scam complaints na natatanggap ng NTC, bumaba simula nang ipatupad ang SIM card registration
Samantala, iniulat ng NTC na bumaba na ang bilang ng mga natatanggap nilang text scam complaints simula nang naipatupad ang SIM card registration.
Sa datos na ibinahagi ni Salvahan, bago nagsimula ang implementasyon ng SIM registration, umaabot ng 2,000 o 1,500 kada araw ang kanilang natatanggap na reklamo.
Ngayon, aniya, nag-a-average na lamang sa 475 kada araw ang complaints na nakukuha ng NTC.
Sa mungkahi naman na lilimitahan lang ang puwedeng irehistrong SIM card ng bawat indibidwal, nabanggit ni Salvahan na
isa nga rin ito sa pinag-aaralan ng concerned agencies.
“Isa po iyan sa mga minumungkahi po no, nais tuntunin para limitahan iyong number of SIMs na naka-register. Pinag-aaralan po iyan kasi ho ayon sa batas po natin ay wala pong nakalagay na prohibition kung gaano kadami po iyong puwedeng SIM na irehistro sa isang tao,” dagdag ni Salvahan.
Samantala, inilatag naman ng NTF official ang kakaharaping parusa ng sinumang mapatutunayang peke ang mga isinumiteng dokumento sa pagpaparehistro ng SIM.
“Under po sa batas natin, if you provide false or fictitious information or gumamit po kayo ng fictitious identity or fraudulent ID to register iyong SIM ninyo, puwede po kayong makulong from six months to two years or mapagmulta po ng 100,000 to 300,000 or both po,” ani Salvahan.