Higit 4K indibidwal sa Region II, nagsagawa ng pre-emptive evacuation kaugnay ng Bagyong Nika

Higit 4K indibidwal sa Region II, nagsagawa ng pre-emptive evacuation kaugnay ng Bagyong Nika

NAGKAROON na ng mga pre-emptive evacuation sa Cagayan Valley bilang parte ng kanilang paghahanda sa posibleng maging epekto ng Bagyong Nika.

Ito, ayon kay Regional Director Leon Rafael ng Office of Civil Defense, Region 2.

Sa datos ng OCD – Region 2, mayroon nang mahigit isang libo (1,564) na pamilya o kinabibilingan ng lagpas apat na libong (4,561) indibidwal sa lalawigan ng Isabela, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino na nagkaroon na ng pre-emptive evacuation.

Ang pinaghahandaan din nila ngayon ay ang posibleng pagbaha sa Cagayan Valley dulot ng Cagayan River at ng Magat Dam gayundin ang posibleng landslide.

“At alam ninyo naman iyong geograpiya ng Lambak ng Cagayan na mayroon pong mga bundok, bulubunduking parte, iyon po ang pinaghahandaan namin sa ngayon po. Kaya nagkaroon po kami ngayon pre-emptive evacuation.”

“Lalung-lalo na iyong nasa mga mababang lugar,” saad ni Leon Rafael, Regional Director, OCD-Region 2.

Pinayuhan naman ni Rafael ang mga mamamayan na huwag maging kampante dahil sunud-sunod ang mga bagyo na dadaan sa Lambak ng Cagayan.

Abiso pa nito, gawin ang lahat ng kaukulang paghahanda at sundin ang lahat ng mga hakbang na pinaiiral ng mga lokal na pamahalaan o ng Disaster Risk Reduction & Management Office (DRRMO) at palaging nakaantabay sa mga ulat panahon.

7K family food packs, naka-preposition para sa mga residenteng nasa evacuation centers sa Aurora Province

Doon naman sa probinsya ng Aurora, sinabi ni Regional Director Amador Corpuz ng Office of Civil Defense Region III na sa kasalukuyan, mayroon nang 69 evacuation centers sa iba’t ibang munisipalidad ng Aurora.

Mayroon na ring mahigit isang libo at dalawang daang (1,283) pamilya o higit tatlong libo at animnaraang (3,660) indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

Karamihan dito ay preemptive evacuation.

Inihayag naman ng opisyal na nasa pitong libong (7,000) family food packs ng DSWD ang naka-preposition sa warehouse ng Aurora para sa mga nasa evacuation center.

At dahil sunud-sunod ang bagyo, may ilang lugar sa rehiyon ang hindi pa rin madaanan.

“Sa ngayon po may isolated po na isang Barangay (unclear) area, dahil po ito sa medyo mountainous siya at medyo ongoing repair po iyong tulay at medyo tumaas po iyong tubig, kaya isolated.”

“And the rest po, lahat po naman passable pa as of this time,” wika ni Amador Corpuz, Regional Director, OCD-Region 3.

Nagkaroon din ng power interruption sa bayan ng Dinalungan, Casiguran at Dilasag, Aurora.

Inilahad ni Corpuz na halos kada araw nagsasagawa sila ng situational meeting o briefing, kasama ang DRRM council, na dinadaluhan din ng iba pang ahensiya.

“Para ma-address po directly iyong mga namomonitor na problema doon sa mga kasalukuyang tinatahak ngayon ng Bagyong Nika and we have been preparing for equipment, logistics, alternate routes, iyong mga posibleng staging areas kung sakali mang magkaroon ng malaking problema,” ani Corpuz.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble