HIGIT limang milyong dosis ng AstraZeneca vaccines na donasyon ng United Kingdom government (UK) sa Pilipinas, darating sa bansa simula ngayong araw.
Unang darating ngayong araw sa bansa ang unang batch na nasa kabuuang 3,191,040 dosis ng AstraZeneca vaccines na donasyon sa pamamagitan ng COVAX.
Inaasahang darating ng alas kwatro ng hapon na sakay ng Emirates Airlines Flight EK332 sa NAIA Terminal 3 ang mga bakuna.
Habang bukas o Biyernes ang pagdating naman ng 288,000 dosis ng AstraZeneca vaccines at nasa kabuuang 1,746,160 ng kaparehong bakuna sa araw ng Sabado.
Ayon sa National Task Force ang mga naturang bakuna ay bahagi sa 5,225,200 doses ng AstraZeneca vaccines na donasyon ng UK sa Pilipinas.
Habang ang nasa kabuuang 1,017,900 doses ng Pfizer vaccine na binili ng gobyerno ng Pilipinas ay darating pasado alas nuebe mamayang gabi sa NAIA Terminal-3 na lulan ng air Hong Kong Flight LD 456.
Matatandaan kahapon dumating sa bansa ang 700,000 dosis ng AstraZeneca vaccines na donasyon naman ng Australian government sa Pilipinas.
Ayon kay National Task Force Against Covid-19 chief implementer and vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez Jr., ang mga bakunang AstraZeneca ay nakalaan din sa isasagawang 3 day national vaccination ngayong darating na Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Samantala, nasa kabuuang 135,161,900 dosis ng COVID-19 vaccine ang tinanggap na ng Pilipinas simula Pebrero ng taong ito.