NAGPAHAYAG ng suporta ang ilang mayor sa Metro Manila sa mga programang pabahay ng administrasyong Marcos upang tugunan ang higit sa 6.5 milyong backlog sa pamamagitan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ang priority housing program ng administrasyong Marcos ay nakakakuha ng suporta mula sa iba’t ibang stakeholder, kabilang na ang mga Local Government Units (LGUs) at financial institutions.
Nakipagpulong kamakailan si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar sa ilang National Capital Region Mayors upang resolbahin ang milyong-milyong backlog na pabahay program ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta ay sina Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, Pasig City Mayor Vico Sotto, Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, Caloocan City Mayor Dale Malapitan, San Juan Mayor Francis Zamora at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano.
Maliban sa mga LGUs, nakakuha rin ng suporta ang ahensiya mula sa ibat ibang stakeholders at financial institutions.
Sa press statement sinabi ni Sec. Acuzar, aktibo nitong isinusulong ang housing roadmap ng administrasyong Marcos sa mga bangko, opisyal ng LGUs at iba pang stakeholder.
Ito ay upang tugunan ang 6.5 milyong backlog sa housing project ng DHSUD.
Nakipagpulong din ang kalihim sa mga pangunahing opisyal ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines para hikayatin ang mga institusyon na lumahok bilang mga kasosyo sa financing.
Tinalakay rin ni Secretary Acuzar sa mga financial institutions ang blueprint ng programa partikular na ang financial component na nag-aalok ng minimal risk sa mga institusyong pinansyal ng gobyerno at pribadong bangko.
Binigyang-diin ni Secretary Acuzar na ang suporta ng mga lokal na pamahalaan, financial institutions at iba pang stakeholders ay mahalaga sa tagumpay ng National Housing Program sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.