INANUNSIYO ngayon ng acting district director ng Quezon City Police District (QCPD) na si PCol. Melecio Buslig, Jr. na matagumpay nilang natunton at naibalik sa kanilang mga pamilya ang nasa 65 indibidwal na nawawala.
Ayon sa opisyal, ang nasabing bilang ng nawawala ay mula noong buwan ng Enero hanggang Oktubre 28, 2024.
Ang nabanggit na katagumpayan ay resulta aniya ng pakikipagtulungan at pagsasagawa ng mga operasyon ng mga police station sa buong QCPD para mahanap ang mga nawawalang indibidwal.
Puspusan din aniya ang kanilang ginagawang imbestigasyon, community outreach, at pagpapalakas ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, social services, at maging sa community organizations.