Higit 600 health workers, isinailalim sa quarantine dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19

UMABOT na sa higit 600 health workers mula sa ilang ospital ang isinailalim sa quarantine dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.

Sa ulat ng the Varsitarian, ang opisyal na pahayagan ng UST, nasa 530 na kawani ang isinailalim ngayon sa quarantine na kinabibilangan ng mga consultant, fellow, nurse at mga aides na na-expose sa ilang pasyente na mayroon o pinaghihinalaang may COVID-19.

Una nang inanunsyo ng ospital na ireregular muna nila ang pagtanggap ng mga pasyente, maliban sa pagpapaliban ng ilang “elective procedures” sa mga piling unit dahil nabawasan ang kanilang workforce.

Samantala, naka-quarantine din ngayon ang halos isandaan at walumpung health workers ng the Medical City sa Pasig City matapos ma-exposed sa ilang pasyente ng ospital na nag-positibo sa naturang sakit.

Ayon kay Dr. Eugenio Jose Ramos, presidente at chief executive officer ng ospital, pinayuhan niya ang ilang nurse at doktor na umuwi muna at mag-quarantine ng labing apat (14) na araw.

Kabilang dito ang siyamnapu’t limang (95) nurse, labintatlong (13) residents at fellows, labindalawang (12) emergency room physicians, at dalawampu’t apat (24) na house staff.

Sa datos ng Department of Health (DOH), tatlumpu’t lima (35) mula sa higit tatlundaang (300) kaso ng COVID-19 sa bansa ang na-admit sa the Medical City.

Inamin naman ng pamunuan ng ospital na nagkakaubusan na rin sila ng personal protective equipment para sa mga health personnel.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.