NASA kabuuang 387 na OFW repatriates mula Oman ang dumating na sa bansa kahapon, Agosto 11, sakay ng Cebu Pacific flight 5J 29 at lumapag sa Davao International Airport.
Sa mga Pinoy repatriates ang dumating kahapon kabilang dito ang 6 na sanggol at 381 adult.
Patuloy naman ang pagtanggap ng Philippine Embassy sa Muscat ng mga Pinoy na nagpapatala para sa mga susunod na repatriation flights ng pamahalaan.
Ayon naman sa Cebu Pacific sa pamamagitan naman ng special commercial flight nasa kabuuang 294 Filipinos mula Dubai ang nakauwi na rin ng Pilipinas kahapon.
Ginawa ang Bayanihan flights upang suportahan ang panawagan ng gobyerno na mapadali ang pagbabalik ng mga Pinoy mula sa Gitnang Silangan na kailangang umuwi.
Ito’y sa gitna ng pagpapalawig sa travel ban ng Pilipinas sa sampung mga bansa na may mataas na kaso ng Delta variant ng COVID-19 kabilang ang Oman at UAE.
Kailangang sumailalim sa 14 day quarantine ang mga nasabing pasahero pagdating sa paliparan at sasailalim din ang mga ito sa RT-PCR test sa ikapitong araw pero bago ang kanilang paglipad pabalik ng Pilipinas ay una na rin silang nagsumite ng negative RT –PCR test result.
Ang halaga ng mga gastusin sa quarantine accommodation at testing para land-based overseas Filipino workers (OFWs) ay sasagutin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) habang sasagutin naman Philippine Port Authority ang mga gastusin para sea-based OFWs.
Sariling gastusin naman ng mga non-OFW o Filipino tourists ang RT-PCR test at accommodation sa hotel quarantine facility.
Ayon sa Cebu Pacific ang susunod naman na Bayanihan flights mula UAE ay sa Agosto 18, 2021.
Panibagong batch ng Sinopharm at Pfizer vaccine dumating na sa Pilipinas
Karagdagang 100,000 doses ng Sinopharm COVID-19 vaccine ang dumating sa bansa kahapon ng hapon na sakay ng Etihad Airways.
Ang naturang mga bakuna ay donasyon ng United Arab Emirates sa Pilipinas.
Kabilang sa sumalubong sa bakuna ay sina Asec. Wilben Mayor, Dir. Maria Soledad Antonio , Khalid Alhajeri, ang acting Charge d’Affairs ng UAE Embassy at iba pang mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa UAE.
Agad naman dinala ang mga naturang bakuna sa PharmaServ Express cold storage sa Marikina City.
Pasado alas nuwebe naman kagabi dumating din sa bansa ang karagdagang 813,150 doses ng bakuna ng Pfizer mula COVAX Facility.
Sakay ng Air Hongkong DHL flight ang mga naturang bakuna na lumapag naman sa NAIA terminal -13
Sa 813,150 doses shipment ng Pfizer 607,230 doses dito ay mapupunta sa DOH Manila, ang 102,920 doses dadalhin naman sa Davao City sa Philippine Airlines (PAL) flight PR1813 ngayong umaga at ang natitirang 102,920 doses ng Pfizer vaccines ay direktang hinatid Cebu mula COVAX facility ng Air Hong Kong flight
Sa bilang na ito nasa halos 40 million doses na ng bakuna kontra covid-19 ang tinanggap na ng Pilipinas simula February 2021
Ngayong araw inaasahan naman ang pagdating ng karagdagan 2 million doses of Sinovac vaccines na binili ng Pilipinas galing China.