Higit 7.23M botante, binura sa voters’ list ng Comelec

Higit 7.23M botante, binura sa voters’ list ng Comelec

MAHIGIT 7.23 milyong botante ang tinanggal sa voters list ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa pagkabigo na makaboto sa dalawang magkasunod na halalan.

Ito ang inihayag ni Comelec Commissioner George Garcia sa kanilang weekly press briefing.

Ayon kay Garcia, nasa 755,769 botante rin ang inalis sa listahan matapos pumanaw at 892,627 ang natukoy na double registration.

Kaugnay nito, sinabi ng Comelec na kabuuang 65,831,792 ang total registered voters sa Pilipinas.

 

Sa nasabing bilang, 6.95 milyon dito ay new registrants at 977,647 ang nagpa-reactivate matapos mabigong makaboto ng dalawang magkasunod na halalan.

 

Comelec Commissioner Aimee Ferolino, itinalaga bilang head ng Task Force Kontra Bigay

Itinalaga si Comelec Commissioner Aimee Ferolino bilang pinuno ng Task Force Kontra Bigay laban sa vote-buying.

Ito ang kinumpirma ni Comelec Commissioner George Garcia.

Sa kanyang pagkakatalaga, si Ferolino ang responsable sa pagpapatawag ng mga meeting at pagbuo ng guidelines at iba pa.

Samantala, sinabi ni Garcia na isinasapinal pa ang mga kasunduan sa ibang mga ahensya.

Una nang sinabi ni Garcia na ang naturang task force ay bubuuin ng iba’t ibang ahensya.

Kinabibilangan ng Comelec, Department of Justice, Presidential Anti-Corruption Commission, Department of the Interior and Local Government, Philippine Information Agency, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines.

Follow SMNI News on Twitter