Higit 800 baril, nakumpiska sa kampanya ng PNP kontra loose firearms

Higit 800 baril, nakumpiska sa kampanya ng PNP kontra loose firearms

SA ilalim ng mas pinaigting na kampanya kontra loose firearms ng Police Regional Office 3, nakakumpiska ang Philippine National Police (PNP) ng 842 na mga baril sa iba’t ibang panig ng Gitnang Luzon.

Ayon sa datos ng Regional Operations Division, simula ito noong Oktubre 1 hanggang Nobyembre 23, 2024.

Habang 239 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Sa 842 na mga ilegal na armas, 832 ang short firearms at 10 naman ang light weapons.

Samantala, 280 sa mga ito ang nasamsam sa pamamagitan ng law enforcement operations tulad ng search warrant at checkpoint operations, 153 ang kusang isinuko ng mga may-ari at 409 ang nakuha sa Revitalized Katok.

Ayon kay PRO3 Director Redrico Maranan, ang mga ilegal na armas ay banta sa kaligtasan ng publiko lalo na kadalasan itong ginagamit ng mga kriminal sa kanilang ilegal na aktibidad.

Hinihikayat naman ng PNP ang mga may-ari ng baril na i-renew ang kanilang lisensiya upang maiwasang makalabag sa batas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter