Higit 9-K aplikante sa Philippine Tourism Job Fair, naitala ng DOT at DOLE

Higit 9-K aplikante sa Philippine Tourism Job Fair, naitala ng DOT at DOLE

NAGING matagumpay ang kauna-unahang Philippine Tourism Job Fair  para sa Department of Tourism (DOT) at Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan umabot sa higit 9,000 na aplikante ang nakilahok.

Libu-libo ang nabigyan ng pagkakataon na muling makapagtrabaho matapos naapektuhan ng pandemya sa isinagawang job fair.

Nagpaabot ng pasasalamat ang dalawang ahensya sa lahat ng employers na nakiisa sa kauna-unahang Philippine Tourism Job Fair sa bansa.

Ayon sa DOT, naging matagumpay ang naturang job fair kung saan umabot sa 157 ang nakilahok na employers na nag-alok ng kabuuang 8,310 tourism-related na mga trabaho.

Isinasagawa ang job fair sa tatlong pangunahing lugar sa bansa kabilang na ang Metro Manila, Cebu, at Davao.

Batay sa datos ng Tourism, umabot sa mahigit 9,000 cumulative registrants ang kanilang naitala sa Tourism Job Fair sa tatlong lugar.

Sa nasabing bilang, 395 ay agad na-hire on-the-spot habang 8,305 ay ikinokonsiderang malapit nang matanggap o ang mga natanggap depende sa kalalabasan ng interview at pre-employment requirements compliance.

Base naman DOLE Partial Report as of September 28, 1,049 applicants ay hindi kwalipikado habang ang 530 ay nai-refer na sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa kanilang skills training.

Una nang sinabi ng DOT na kanilang inaasahan na mas uusbong pa ang turismo at ekonomiya sa muling pagbabalik-trabaho ng mga nawalan ng hanapbuhay dulot ng pandemya.

Magsasagawa rin ng marami pang mga susunod na job fair ang ahensiya sa mga susunod na buwan sa iba’t ibang lugar sa bansa hanggang sa tuluyang makabalik sa normal na operasyon ang mga tourism establishment at allied industries.

Follow SMNI NEWS in Twitter