PORMAL nang sinimulan ngayong Lunes ang full printing operation ng National Printing Office (NPO) para sa mga balota na gagamitin sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Target ng NPO na makapag-imprinta ng higit 91 milyong balota sa loob ng 30 araw.
Ipinaalam ni Commission on Elections (COMELEC) spokesperson Atty. Rex Laudiangco na malaki ang diperensya ng balotang gagamitin sa BSKE kung ikukumpara sa balotang ginamit sa automated elections.
“Malaki ang difference. Una, una po yung laki ng balota di hamak na mas malaki po yung balota noong automated elections, parang around 30 inches po yan. Ngayon po, hindi tayo lalampas sa 10 inches diyan kung tama yung aking pagkaka-alala. Secondly, yung atin balota nung automated elections ay colored, may color po iyon, iba yung color ng border may color po yung logo. This time makikita niyo ang color lang po diyan parang yung red natin yung sa serial number, the rest po parang black and white yung ibang parte ng balota,” pahayag ni Laudiangco.
Kaugnay nito, kumpyansa naman si Laudiangco na kayang-kayang makumpleto ang 91.5 milyong balota sa loob ng 30 araw.
Aniya, nasa tatlong machine ang kasalukuyang ginagamit ng NPO para sa pag-imprinta ng balota.
Sa bawat machine, nakagagawa ito ng 1 milyong balota, ibig sabihin kayang gumawa ng NPO ng tatlong milyong balota kada araw.
“With this fulll swing activity, we intend to optimized 1 million ballots printed per machine per day. So, all in all po kaya nating mag-print ng 3 million ballots a day.We committed to deliver the almost 92 million ballots in 30 days or so. Kaya nga po kailangan matapos po lahat ng ating testing at nakapag-print na tayo ng testing ballots at nai-run na po nang maayos yung tatlong makina and right now we can process to the full swing of the printing of all the 90 million ballots,” dagdag pa ni Laudiangco.
Ani Laudiangco, noon malaking hamon sa ahensya ang pag-imprinta ng milyun-milyong balota dahil sa kakulangan sa mga tao.
Pero ngayon ay sapat ang suplay ng kanilang mga citizens arm groups para tumutok sa full printing operation ng mga balota para sa BSKE.
Kasabay ng pagpapatupad ng full swing operations, umikot naman si COMELEC Deputy Executive Director for Administrations Atty. Helen Aguila-Flores para sa inspeksyon sa printing process.
Dumalo rin sa inspeksyon ang ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP) para magsagawa ng security and surveillance sa pasilidad.
Samantala, mababatid na sinimulan ng COMELEC ang soft-launching printing ng mga balota noong Huwebes ng Setyembre 29 ng taon.