NASA 94.73 percent na ng cash aid sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang naipamahagi sa mga benepisyaryo sa Metro Manila.
Sa Lagin Handa public briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na 10,663,537 recipients na ang nakakuha ng kanilang social assistance hanggang noong Agosto 31.
Ayon kay Malaya, ilan sa mga Local Government Units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) na nakakumpleto nang kanilang distribusyon ng cash aid ay Caloocan, Malabon, Navotas, Pasig, Maynila at Quezon City.
Ani Malaya, maraming benepisyaryo pa ang hindi kinukuha ang kanilang cash aid kaya maaring ibigay ito ng LGU sa karagdagang benepisyaryo.
Dagdag pa ng DILG official, ang mga residente na umapela sa grievance committees na mapabilang sa list of beneficiaries ay ang i-paprayoridad.
Gayunman, kailangan pa rin tingnan ng LGUs ang kanilang qualifications.
Sa kabuuan, ay higit sa 94 porsyento na ang naipamahagi na ayuda sa ilalim ng ECQ.