NAGHATID ng mahalagang tulong ang opisina ni Sen. Alan Peter Cayetano sa mahigit isang libong Pilipino mula sa iba’t ibang lalawigan sa Mindanao sa Bayanihan Caravan sa Maguindanao del Norte na ginanap noong Oktubre 3 hanggang 4, 2023.
Nakipagtulungan ang tanggapan ng senador kay Mayor Datu Lester Sinsuat ng munisipalidad ng Datu Odin Sinsuat at sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) para buuin ang dalawang araw na medical caravan.
Umabot sa 707 ang bilang ng natulungang pasyente na may mga kritikal na sakit tulad ng sakit sa bato, kanser, pagbubuntis at panganganak, at mga komplikasyon sa buto at puso.
Ang mga benepisyaryo ay nagmula sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Norte, Lanao del Sur, North Cotabato, at South Cotabato.
Kabilang sa mga benepisyaryo si Elaine Montañer, asawa ng isang overseas Filipino worker na kinailangang bumalik sa Pilipinas dahil sa kanser. Nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat kay Cayetano sa tulong na kanilang natanggap para sa mga bayarin sa ospital.
“Humingi po ako ng tulong para sa asawa kong OFW na umuwi dahil sa sakit, naoperahan po dahil sa cancer at na-carry ni Senator Alan ang naiwan na 283,000 pesos sa aming hospital bill. Maraming salamat sa malaking tulong na naibigay nyo sa amin,” aniya.
Noong Oktubre 4, nagsagawa ng karagdagang hakbang ang Bayanihan Caravan upang suportahan ang mas maraming indibidwal na nangangailangan.
Umabot sa 525 katao ang nabigyan ng tulong mula sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ang tulong ay naging posible sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nagpasalamat si Mayor Datu Lester Sinsuat sa senador sa pag-abot ng kaniyang Tulong-Medikal Program at AICS assistance sa mga mahihirap na kababayan sa rehiyon.
“Gusto ko na personal na magpasalamat ako dahil sa medical at cash assistance na ibinigay nila sa atin. Napakalaking tulong po nito sa ating mga kababayan,” aniya.
Ang gawain sa Mindanao ay bahagi ng pakikipagtulungan ng independent senator sa mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang maabot ang mas marami pang komunidad sa bansa at maghatid ng iba’t ibang suporta sa pamamagitan ng kanyang Bayanihan Caravan project.
Sa Senado, patuloy na itinataguyod ni Sen. Cayetano ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan at suporta sa kabuhayan sa pamamagitan ng mga panukalang batas tulad ng Puhunan Tungo sa Kaunlaran Act, Barangay Health Centers Act, at Mahal Ko, Barangay Health Worker Ko Law.