HINDI pa man natatapos ang taong 2024 ay sandamakmak na mga imported na bigas na ang naipasok sa bansa.
Bukod pa kasi diyan ang mga lokal na produksiyon ng mga magsasaka.
‘Yun nga lang kahit sapat ang suplay natin ng bigas ay hindi pa rin natutugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo nito sa merkado.
Batay sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) naglalaro pa rin sa P45 hanggang P60 ang kada kilo ng imported at local regular at well-milled rice.
Ang walang humpay na pagsirit sa presyo ng bigas nga ang isa sa mga main driver kung bakit tumataas ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Una na ring sinabi ng DA na ang pagpapababa sa presyo ng bigas sa merkado ay naging malaking hamon para sa kanila.
Pero, hindi lang diyan natatapos ang problema ng gobyerno lalo na sa usapin ng pagkain.
Kinumpirma kasi ng National Food Authority (NFA) sa isang text message sa SMNI News na may 6 na milyong sako ng bigas ang nakaimbak ngayon sa kanilang mga bodega na nanganganib na mabulok.
“Yes, potential na magtagal sa bodega kung hindi maibebenta. Kaya lang, kapag calamities and emergencies lang puwede magbenta,” ayon sa DFA.
Ang naturang bilang ng bigas ay nagkakahalaga umano ng P10.5B.
Base sa Rice Tariffication Law (RTL), tinanggalan ng kapangyarihan ang NFA na magbenta o mag-angkat ng bigas.
Tanging ang pag-iimbak na lamang ang maaari nitong gawin, maliban pa sa pagsu-suplay sa mga ahensiya ng gobyerno tuwing may sakuna at kalamidad.
Pero, iba naman ang sagot ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. hinggil diyan.
Sabi niya, wala aniyang mabubulok na bigas dahil ‘yung aging o paluma nang stocks ay naibebenta naman sa Kadiwa stores sa halagang P29.
“There’s no rotting kasi naibebenta naman ‘yan as aging rice tuloy-tuloy naman. ‘Yan ang ginagamit natin sa 29 pesos o P29 program natin sa mga PWD, senior citizen, single parent at 4Ps. I-expand narin natin ‘yan isasabay na ‘yun sa Kadiwa stores, sa mga palengke selling at P40. So, magkakaroon ‘yan ng mga P40 at 29,” pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Sa katunayan, hihilingin pa rin aniya ng kalihim sa mga mambabatas na maamyendahan ang batas upang maibalik sa NFA ang mandato na magbenta muli ng murang halaga.
Para sa grupong Federation of Free Farmers—imposible itong mangyari dahil alam naman ng kalihim ang dahilan kung bakit inalis sa NFA ang mandatong ito.
“Hindi gusto ng mga mambabatas na pumasok na naman ang NFA, may mga report noon na hindi maganda ang pagpapatakbo ng NFA, mga korap o mga irregularities diyan,” wika ni Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.
Ipinagtataka rin ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kung bakit nasabi ng NFA na mabubulok ang mga suplay ng bigas kung hindi ito agad maibebenta.
Marami umano kasing masusuplayan ang ahensiya ng bigas gaya ng sa DSWD, OCD, at BJMP.
Kung tutuusin, ilang araw lang aniya na suplay ang 6 na milyong sako kaya’t malayong mabulok ito.
“That’s crazy, ‘yung gusto nilang ibalik sa NFA, it’s not easy.”
“Ang 6 million bags ilang araw lang ‘yan, ilang days lang ‘yan kayang-kayang ubusin ‘yan,” saad ni Jason Cainglet, Executive Director, SINAG.