Higit P15M halaga ng ilegal na droga nasabat sa magkakahiwalay na operasyon sa QC

Higit P15M halaga ng ilegal na droga nasabat sa magkakahiwalay na operasyon sa QC

NAKAPAGTALA ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mahigit P15M halaga ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City.

Batay sa rekord, anim na suspek ang nahuli sa mga operasyong ito.

4 na indibidwal ang naaresto sa buy bust operation sa quezon city na kinilalang sina Arlene Ann Goco, 36 taong gulang, residente ng Brgy. Plainview, Mandaluyong City; Lia Lauren Llige, 42 taong gulang, residente ng Brgy. Batis, San Juan City; Daryl Sarona, 26 taong gulang, residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City; at Jerome Palacios, 49 taong gulang, residente ng Pateros, Metro Manila.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 60 gramo ng high-grade marijuana (Kush), 400 pirasong ecstasy tablets, isang (1) litro ng marijuana kush oil at 20 piraso ng liquid marijuana vape na may kabuuang halaga na P2.6M.

Habang nakumpiska naman mula sa dalawang iba pang suspek ang halos dalawang libong gramo ng shabu sa Brgy. UP Campus, Quezon City, at 750 gramo ng methylenedioxymethamphetamine (MDMA), na may kabuuang halaga na P13M.

Ang lahat ng mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Binabati ko ang mga operatiba ng DDEU, ganundin ang mga miyembro ng PDEA-NCR sa matagumpay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkahuli sa mga drug suspects at pagkakumpiska ng malaking halaga ng ilegal na droga. Makakaasa ang QCitizens na tuluy-tuloy ang QCPD sa pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga upang masiguro na ligtas ang bawat mamamayan sa Lungsod Quezon,” saad ni Pcol. Buslig, Jr.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter