INIHAYAG ng Bureau of Customs (BOC)–Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tinatayang nasa kabuoang Php40,800,000.00 milyon pisong halaga ng iligal ng droga ang naharang sa NAIA.
Sa pinaigting na X-ray screening operations ng mga tauhan ng Customs NAIA X-ray Inspection Project (XIP), nakuha sa bagahe ng pasahero ang methamphetamine hydrochloride o shabu na kinumpirma ng PDEA team.
Isinailalim din sa K9 ang bagahe ng pasahero at 100% physical examination kung saan nadiskubre ang 6.0 kilo ng shabu.
Dahil dito, hinarang ng BOC-NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang bagahe na naglalaman ng iligal na droga at inaresto ang pasahero, araw ng Linggo.
Ang pasahero na kinilala bilang isang Malagasy national, ay dumating mula sa Hong Kong via Ethiopian Airlines flight ET644 na mula sa Madagascar, East Africa.
Isinailalim pa sa follow up investigation ng PDEA ang nasabing dayuhan bago ito isailalim sa inquest proceeding ngayong araw.
Tumanggi na munang pangalanan ang nasabing pasahero.