Higit P60-M halaga ng frozen meat products, nasabat sa Manila International Container Port –DA

Higit P60-M halaga ng frozen meat products, nasabat sa Manila International Container Port –DA

MILYONG-milyong halaga ng mga frozen meat products ang nasabat ng mga awtoridad sa Manila International Container Port kamakailan.

Sa pinagsanib puwersa ng Bureau of Plant Industry, PCG at Bureau of Customs (BOC) nasabat sa isang surprise inspection ang P63 milyong halaga ng frozen meat products.

Napag-alaman na ang mga iligal na produkto ay nagmula pa sa Hong Kong at China sa ilalim ng consignee na Victory JM Enterprise.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, 2 container van ang idineklara na may dalang frozen prawn balls ngunit tumambad sa mga ito ang frozen chicken paws, frozen boneless beef, Vietnamese Suckling Pig, at Bean Curd Skin.

Iba pa rito ang 2 pang van na naglalaman ng frozen beef cheek meat na idineklara rin na frozen prawn balls.

Dahil dito, inaaksyunan na ng kagawaran ng pagsasaka ang nakumpiskang smuggled frozen pork products.

Inihahanda na ang kaukulang parusang ipapataw laban sa mga taong responsable sa paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 at Food Safety Act of 2013.

Samantala, sa panig naman ng grupo ng magbababoy hindi na dapat ito palampasin pa ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na siyang kalihim ng DA.

Giit ni Nicanor Briones, Chairman ng AGAP Party-list dapat lamang masampolan ang mga smuggler na nagpupuslit ng mga iligal na produkto sa bansa.

“Dapat hulihin yung mga smuggler. Kasi kapag sinabing smuggling hindi lang sa technical smuggling kundi posible ‘yan na nakapasok na walang inspection, walang laboratory test. So, posibleng delikado ‘yan sa sakit sa tao at hayop,” pahayag ni Briones.

“Kung saan ang mahuhuli na nagsmu-smuggled ng agricultural products worth 1 million and above ang tawag ang economics sabotage at non-bailable ‘yan at lifetime imprisonment, wala tayong nasasampolan. This time dapat mag-sample ang ating mahal na Pangulo, basta may nahuli dapat ikulong at kasuhan. Hindi ‘yung iniimbestigahan, imbestiga nang imbestiga hanggang sa nawala ang kaso kaya hindi nadadala ang mga smuggler,” dagdag aniya.

Dapat na rin aniya maghigpit ang DA sa mga port at cold storage upang matiyak na ito ay mayroong kaukulang permit at lehitimo.

“Dapat higpitan ‘yung smuggling na ‘yung tawag nga natin ay mini-misdeclare na after value. ‘Yan ay patunay na malaking smuggling na nakakapuwerhisyo hindi lang sa mga magbababoy, hindi sa maging sa mga magsasaka kundi sa ating mga consumer na kung bakit ang ating mga consumer ay nakakaranas ng sobrang kamahalan ng bilihin. Sapagkat katakot-takot ang hirap na dinaranas at nagkakadalugi ang ating mga magbababoy, magmamanok, magsasaka at mangingisda rito sa ating bansa,” saad ni Briones.

Ipinunto pa ni Briones, nararapat na rin na sawatain na ang mga nagpapasok ng mga iligal na pork products dahil malaking kawalan ito sa mga lokal na magbababoy.

Giit pa ni Briones, walang dapat ikabahala ang mga Pilipino sa suplay ng baboy sa bansa, dahil tinatayang nasa 113 milyong kilo pa ng baboy ang mayroon sa mga cold storage.

Aniya, kaya pa nitong magsuplay ng baboy sa unang kwarter ng 2023.

Follow SMNI News on Twitter