Hiling ni Atty. Vic Rodriguez kay PBBM na karagdagang kapangyarihan, hinarang

Hiling ni Atty. Vic Rodriguez kay PBBM na karagdagang kapangyarihan, hinarang

HINARANG ng opisina ng Chief Presidential Legal Counsel ang hirit ni Attorney Vic Rodriguez na dagdag-kapangyarihan sa bagong posisyon na Presidential Chief of Staff.

Kasunod ng pagbibitiw bilang executive secretary ay itinalaga si Atty. Vic Rodriguez bilang Presidential Chief of Staff.

Bagong posisyon ang Presidential Chief of Staff (PCS) na nilikha sa ilalim ng Administrative Order No. 1 na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Mayroon ding “Special Order” na nagdagdag ng trabaho sa PCS na nakasaad sa A.O. No. 1, na tinanggihan ni Pangulong Marcos base sa rekomendasyon ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.

Sa naturang “Special Order”, inihirit dito ang pagbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa opisina ng PCS, “na may mga tungkulin bilang “presidential strategist, policy adviser, at presidential advocate,” kasama ng iba, at nilayon na “magbigay ng karagdagang awtoridad kay Rodriguez.

Sa kanyang programa sa SMNI na ‘Dito sa Bayan ni Juan’, ibinahagi ni JPE na ni-refer ni Pangulong Marcos sa Office of the Chief Presidential Legal Counsel ang dalawang dokumento na pag-aralan.

Bilang mga abogado ng presidente, ani Enrile, masusi nilang sinusuri ang dokumento.

Matapos pag-aralan, hindi sumang-ayon si Enrile sa maraming kahilingan ni Rodriguez.

Kaya ani JPE, nirekomenda ng kanilang opisina na huwag sundin ang nilalaman ng dokumento.

Sapagkat sasakupin aniya nito ang mga opisina ng Executive Secretary, cabinet positions at ibang ahensiya ng gobyerno.

“Hindi pwedeng simple-simple lang ang gagamitng pag-iisip pinag-aaralan namin nang buong universe. Nakita namin na ang nilalaman ng proposal ay sasakupin lahat ng mga opisina na ‘yun, eh magbabanggaan na ‘yan,” pahayag ni Enrile.

Giit ni JPE, poprotektahan nila ang organisasyon ng Presidente.

Patama pa ni Enrile, huwag dapat aniyang pangunahan ang Presidente ng Pilipinas.

 “We want the President not to be bother by interpersonal relationship inside his government,” ayon pa ni Enrile.

“Kaya sabi namin wag naman pangunahan ang President ng Pilipinas, ‘yung mga nasa ahensya ng government ay magkakaroon ng contradiction at conflict sa opisina na nilalaman ng dokumento na ‘yun,” dagdag ni Enrile.

Binigyang-diin naman ni JPE na ang kanilang naging aksyon ay walang personalan kundi trabaho lamang ang nauukol bilang mga abogado ng Presidente.

Ang PCS ay may katumbas na posisyong Cabinet secretary.

Pangunahing function ng naturang tanggapan ang masigurado na efficient at responsive ang araw-araw na operational support para sa Pangulo upang makatutok sa strategic national concerns.

Epektibo agad ang posisyon ni Rodriguez sa opisina ng Presidential Chief of Staff  habang bakante pa ang Executive Secretary.

 

Follow SMNI News on Twitter