Hindi lisensyadong maritime consultancy firm, pinasara ng DMW

Hindi lisensyadong maritime consultancy firm, pinasara ng DMW

INIUTOS ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang pagpapasara ng isang maritime consultancy firm sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinandaduhan ng Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB), na dating Anti-Illegal Recruitment Branch, ang opisina ng JCB-Success Maritime Consultancy Service, araw ng Miyerkules.

Ang naturang ahensiya kasi ay nag-aalok ng mga trabaho bilang deck seafarer, engine seafarer, oilers, engineer, at yacht steward.

Isa si Manuel Jericho L. Ramos ang nabiktima.

Sa kaniyang sinumpaang testimonya, nag-apply siya para sa posisyon ng engine cadet na ipinost ng JCB noong Setyembre 2021, isang taon at kalahati na ang nakalipas.

Siya at ang tatlo pang aplikante ay pinangakuan ng deployment sa loob ng 3 buwan.

Hiniling din sa kanila na magbayad ng tig-P75,000 bilang placement fee at hinikayat silang kumbinsihin ang ibang mga kasamahan na mag-aplay para sa mga posisyong inaalok ng JCB.

Natanggap ni Ramos ang kaniyang travel documents noong Agosto 2023 ngunit napansin na ang visa sa dokumento ay lumitaw na tampered.

Pagkatapos ng ilang buwan ng paghihintay para sa kaniyang deployment nagkaroon na siya ng pagdududa sa ahensiya kaya nagpasya siyang ireport ito sa DMW noong Oktubre 2022.

Ang may-ari ng JCB-Success Maritime Consultancy Services, mga empleyado, at mga opisyal ay isasama sa listahan ng DMW na mapigilan at pagbawalan na makilahok sa programa ng gobyerno sa ibayong dagat.

Ang DMW ay magsasampa ng illegal recruitment cases laban sa may-ari at mga opisyal ng kompanya.

Hinihingi rin ni DMW Sec. Susan Ople na agad ireport ng mga biktima ng illegal recruitment at human trafficking ang ganitong krimen.

“We encourage victims of illegal recruitment and human trafficking to report these crimes to us. Workers’ protection is one of the core functions of the DMW,” ani Sec. Susan Ople.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter