Hindi ma-trace na travelers mula South Africa, dalawa nalang

DALAWA na lang sa walong travelers mula sa South Africa ang nananatiling unlocated sa ngayon.

Sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan sa pag-back tracing ay natunton na rin ang 5 pang traveler mula sa South Africa na hindi ma-trace dahil hindi kumpleto o mali-mali ang impormasyong inilagay sa health declaration forms pagadating sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire  sa walong unlocated traveler, dalawa na lang ang hindi pa nahahanap.

Aniya mga Returning Overseas Filipino (ROF) ang mga ito at mula sa Region 10 at Region 4-B. Pareho silang  dumating sa bansa noong Nobyembre 22 at nag -negatibo sa COVID-19 noong Nobyembre 28 at Disyembre 3.

“There are still two unlocated South African arrivals and these are both ROF. They have already been endorsed by the BOQ (Bureau of Quarantine) in Clark to the local government units for verification of their current quarantine statuses,” pahayag ni Vergeire.

Matatandaang bago paman nagpatupad ng travel restriction ang Pilipinas sa South Africa at sa iba pang mga bansa na may kaso ng Omicron variant ay 253 travelers mula South Africa ang dumating.

Walo sa mga ito ayon sa Department of Health (DOH) ay hindi wasto ang ibinigay na mga impormasyon kung kaya’t pahirapan ang pag-trace sa kanila.

Sa ngayon, 99 travelers na ang na-locate ng ahensya habang under verification pa ang lokasyon ng ibang 152 travelers.

Sa isang panayam naman sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kinokonsidera niya na imungkahi sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na isapubliko na lang ang mga pangalan ng mga hindi matunton na mga traveler.

Ani Duque makakatulong ito na mapabilis ang paghanap sa kanila ngunit aminado siya na may legal challenges kung gagawin ito.

Sa ngayon, umapela ang Health chief sa publiko na ibigay ang tamang impormasyon sa mga declaration form.

Ipinunto naman ni Vergeire na wala pa silang nakikitang rason sa kasalukuyan para isapubliko ang pangalan ng mga traveler dahil nahahanap naman sila kalaunan sa pamamagitan ng matinding back tracing efforts.

Nais rin aniya na mapreserba ang kanilang karapatan.

“Meron tayong due process. Bagama’t merong sanctions, may penalties, may batas na naba-violate, kailangan i-verify pa rin natin. What were the circumstances that led them to give us incorrect numbers or unreachable numbers, ani Vergeire.

SMNI NEWS