Hindi na maitatanggi: Direktor ng DPWH na si Ronnel Tan, huli sa video na nagpapaagaw ng limpak-limpak na salapi sa isang party

KAHIT todo deny sa media interviews na hindi siya kailanman namigay ng cash bilang regalo sa ibang tao, kitang-kita sa isang video na isinumite sa Office of the Ombudsman na nagpapaagaw ng perang nagkakahalaga ng 2-3 milyong piso si DPWH Regional Director Ronnel Tan sa isang party na diumano’y ginanap sa bahay nito.

Ito ang bagong pasabog ng kampo ni Quezon Province Councilor Arkie Yulde na naghain ng kasong Graft and Corruption laban sa nasabing opisyal, at nagsusulong na magkaroon ng malalim na lifestyle check kay Dir. Tan at sa kaniyang pamilya, kabilang na ang kaniyang maybahay na si Quezon Province District 4 Congresswoman Helen Tan.

Sinampahan ni Yulde si Tan ng patung-patong na reklamo noong Oktubre ng taong 2020, kabilang na dito ang grave misconduct, at paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct & Ethical Standards of Public Officials and Employees, RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 7160 o ang Local Government Code.

Paulit-ulit na sinagot ng kampo ni Tan na walang katotohanan ang bintang at ito ay puro pulitika lamang, at hindi sila kailanman namudmod ng pera sa kahit anong pagtitipon na kanilang dinaluhan.

Sa nasabing video, kitang-kita sa akto si Dir. Tan na isinasaboy sa ere ang hawak nitong bungkos-bungkos na pera, habang ang kaniyang mga bisita ay nagkukumahog na saluhin ang mga ito.

Nanawagan din si Yulde sa Presidential Anti-Corruption Commission na imbestigahan ang pamilya Tan, lalo na at isa si Cong. Helen Tan sa mga pinangalanan ni Pangulong Duterte na may mga kaso ng pangungurakot ayon na rin sa report na isinumite ng PACC.

Matatandaan na nadawit din si Cong. Helen Tan na siyang chairperson ng Committee on Health sa Kamara sa isyu ng PhilHealth scam dahil sa pagbubulsa nila diumano ng pondo gamit ang interim reimbursement mechanism o IRM.

Nito lamang buwan ng Marso, nadawit na naman si Cong. Helen Tan na binansagang “bakuna queen” ng mga netizens sa isang eskandalo.

Kalat na kalat sa social media ang kaniyang pagpapaturok ng COVID-19 vaccine, kahit na hindi siya frontliner at hindi kasama sa priority list ng IATF, at may direktiba na ang Kamara na hindi maaaring mauna ang mga Kongresistang mabakunahan sa mga maliliit na empleyado ng Kongreso.

(BASAHIN: Duterte, pinangalanan ang mga mambabatas na umano’y sangkot sa katiwalian)

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.