Hindi pagtanggap ng order ng COVID-19 vaccines ng ilang manufacturers, walang epekto sa bansa —NTF

IGINIIT ng National Task Force Against COVID- 19 (NTF) na walang magiging epekto sa vaccination program ng Pilipinas ang hindi na pagtanggap ng order ng bakuna ng ilang pharmaceutical companies.

Ayon kay NTF Chief Implementer Carlito Galvez Jr., walang dapat na ipangamba ang publiko sa pasyang ito ng ilang manufacturer.

Nitong Martes, inahayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na ang ilang manufacturer gaya ng AstraZeneca at Moderna, ay sarado na sa pagtanggap ng orders ng covid-19 vaccines.

Gayunpaman, tiniyak ni Galvez na darating sa bansa ang naunang na-secure nang kasunduan sa 17 millon doses ng AstraZeneca.

Maliban dito, nananatili ang patuloy na negosasyon ng bansa para sa 10 million vials mula sa Novavax.

Samantala, nanindigan ang national government sa target ng gobyerno sa pagkuha ng nasa 170 million doses ng bakuna kontra COVID-19 sa gitna ng nakuhang commitments nito mula sa iba’t ibang suppliers.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na naka-secure na ng sapat na order ng COVID-19 vaccines ang bansa para mabakunahan ang tinatarget na 70 milyong Pilipino ngayong 2021.

Bulto ng mga suplay ng bakuna ay manggagaling sa COVAX facility na nasa 44 million doses.

Bukod dito, ang Sinovac, Novavax, AstraZeneca, Moderna, Gamaleya, Pfizer at Johnson & Johnson ang iba pang bakunang makukuha ng Pilipinas.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.