Hirit na P15-P20 na minimum fare ng mga NCR bus operator, dedesisyunan ng LTFRB sa susunod na linggo

Hirit na P15-P20 na minimum fare ng mga NCR bus operator, dedesisyunan ng LTFRB sa susunod na linggo

HINDI pa mailalabas ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pinal na desisyon patungkol sa itinutulak na P15 hanggang P20 na minimum fare ng mga NCR bus operator.

Paliwanag ni LTFRB Chairperson Atty. Cheloy Garafil, posibleng sa Miyerkules na mailalabas ang desisyon patungkol sa taas-pasahe.

Aniya, kailangan pang hintayin ang position paper mula sa National Economic Development Authority (NEDA) upang makita ang posibleng epekto ng taas-pasahe sa ekonomiya ng bansa.

Pagbibigay-diin ng opisyal, bagama’t napapanahon na upang magtaas-pasahe sa bus ay kailangan pa ring balansehin ang pangangailangan ng mga transport group lalo’t unang maapektuhan ay ang mga komyuter.

Ito rin ang nakikitang problema ni Atty. Ariel Inton bilang kinatawan ng commuters group, kung kaya’t naghain ito ng petition sa ahensiya na huwag nang lumagpas pa sa P2 na dagdag-pasahe sa kada 5 km nito.

Giit ni Inton, mahihirapan unang-una ang mga mag-aaral ngayong magbabalik pasukan na at karamihan pa sa mga ito ay wala pang pinagkakakitaan.

Base kasi sa proposed provincial fare increase ng mga bus operator sa Metro Manila, hiling nila ang P4 na dagdag-pasahe para sa mga ordinary bus at kung ito ay mapagbibigyan magiging P15 na ang minimum na pasahe sa unang 5 km na biyahe.

Habang sa city aircon buses naman nasa P7 na dagdag-singil ang hirit, kung kaya’t magiging P20 na ang mimum fare sa kada unang 5 km na byahe.

Habang nasa P2-P3 naman ang dagdag singil sa mga provincial ordinary at aircon buses para sa kanilang kada kilometrong biyahe papunta sa Metro Manila.

Pero sa panig naman ng mga operator, giit nila na mamatay ang kanilang negosyo sa oras hindi maibigay ang kanilang kahilingan na hirit-pasahe.

Apela rin ni Ginang Juliet De Jesus, internal affair officer ng Mega Manila Consortium, ibalik na ang kanilang dating ruta upang marami ng mga bus ang makalabas at makabiyahe.

Ganito rin ang hiling ni Dionesio Estrada, liaison officer ng Victory Liner kung saan mula sa 600 bus units, nasa 400 bus lang ang nakakabiyahe sa kanila.

Sinabi naman ni  Garafil na nasa 100 ruta ng bus, jeep, UV express ang inaasahang ibabalik ng ahensiya para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Agosto 22.

Ito ay upang maibalik ang dating sigla sa mga pampublikong transportasyon at upang hindi kulangin sa suplay ng transportasyon ang mga mag-aaral lalo’t tinatayang milyong-milyong mag-aaral ang magbabalik sa pasukan.

Follow SMNI News on Twitter